Linggo, Enero 28, 2018
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon B
Santo Tomas de Aquino, Pari at Doktor ng Simbahan – Paggunita

Sinaway siya ni Hesus at sinabi, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa taong iyan!” Pinapangisay ng maruming espiritu ang lalaki at lumabas ito sa kanya na may malakas na sigaw. Marcos 1:25-26
Ang talatang ito mula sa Ebanghelyo ni Marcos ay maaaring maging isang tagpo sa pelikulang nakatatakot. Kung Hollywood ang gagawa ng pelikula, malamang na ganoon nga. Ngunit sa katunayan, isa itong tagpo ng dakilang pag-ibig at awa na nagpapakita ng kapangyarihan at awtoridad ni Hesus!
Ito ang kuwento ng isang lalaking sinasapian ng maruming espiritu, isang demonyo. Pinahihirapan siya ng demonyo. Kaya tinitingnan siya ni Hesus nang may malaking pag-ibig at habag at pinalalayas ang masamang espiritu upang palayain siya. Tunay na gawa ito ng pag-ibig.
Ngunit malinaw na may tanong na ibinabangon ang kuwentong ito: Ano ang papel ng masasamang espiritu sa ating mundo, at ano ang kakayahan nilang kontrolin tayo, manipulahin tayo, o kahit tuksuhin man lamang tayo? Sila ay makapangyarihang espiritung nilikha ng Diyos na may malayang kalooban, at ginamit nila ang kalayaang iyon upang tumalikod sa Diyos. Isa sa mga pangunahing tungkuling iniatang sa kanila nang likhain sila ay ang pangangalaga sa sangkatauhan. Ang mga espiritung nawalan ng biyaya dahil sa kanilang kapalaluan at kasalanan ay taglay pa rin ang kanilang likas na kapangyarihang espirituwal. Ngunit dahil sa kanilang pagkahulog, puro poot na lamang ang nadarama nila sa sangkatauhan at sinisikap nilang wasakin tayo. Totoo ito. At dapat natin itong lubos na maunawaan.
Ngunit walang dahilan upang mawalan ng pag-asa o magpadala sa takot. Siyempre, sa huli, ang mga espiritung ito ay nasa ilalim ng kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Wala silang magagawa kung hindi ito pahihintulutan ng Diyos at, sa huli, wala silang anumang kapangyarihan sa ating buhay.
Ngunit sa ngayon, kailangan nating kilalanin ang kanilang likas na kapangyarihang espirituwal at ang impluwensiya nila. Kailangan nating maunawaan na kaya nilang maghasik ng kaguluhan sa ating buhay at talagang tatangkain nilang gawin iyon. Kapag hinahayaan nating pahinain ng takot ang ating pananampalataya at nagkukulang tayo sa pagtitiwala sa walang hanggang kapangyarihan ng Diyos, unti-unti nating hinahayaang lumakas ang impluwensiya nila sa atin. Ngunit kapag hinahayaan nating manaig ang biyaya at awa ng Diyos sa masama nilang impluwensiya, naririnig natin si Hesus na sinasaway sila at inuutusang tumigil.
Pagnilayan mo ngayon na totoo ang espirituwal na pakikibaka. Gayunman, tiyak ang tagumpay kung magpapakumbaba lamang tayo sa harap ng Diyos at magtitiwala sa Kanyang kapangyarihan at awtoridad. Ang pagpapakumbaba ang susi sa espirituwal na pakikibakang ito. Ito ang susi sa pagdaig sa mga pagsalakay at tukso ng Masama. Kaya magpakumbaba ka sa harap ng Diyos kapag nadarama mong ginigipit o tinutukso ka. Magpakumbaba ka sa pamamagitan ng pag-amin sa iyong mga kahinaan. Kilalanin mong Diyos lamang ang may awtoridad na magpalakas sa iyo. Magtiwala ka sa Kanya. Hindi ka Niya bibiguin!
Panginoon, mahina ako at wala akong kabuluhan kung wala Ka. Tulungan Mo akong maunawaan at paniwalaan iyan. Tulungan Mo akong magpakumbaba sa harap Mo at lumakas sa pagpapakumbabang iyon upang mapagtagumpayan ko ang mga tukso at impluwensiya ng diyablo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo!
Santo ng Araw – Santo Tomas de Aquino
Mga Debosyon para sa Kuwaresma 2018




