Linggo, Oktubre 28, 2018
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon B
San Simon at San Judas Tadeo, mga Apostol – Kapistahan

Nang marinig ni [Bartimeo] na si Hesus na taga-Nazaret iyon, nagsimula siyang sumigaw at magsabi, “Hesus, Anak ni David, maawa Ka sa akin.” Marcos 10:47
Sa mga salitang ito ni Bartimeo, ang lalaking bulag, makikita natin ang isang ganap na panalangin sa ilang kadahilanan.
Una, ipinakikita ng panalanging ito ang malalim na pagpapakumbaba ni Bartimeo. Sa pagdarasal nito, ipinahahayag niyang alam niyang kay Hesus nagmumula ang kailangan niya at hindi niya kayang tulungan ang sarili niya. Alam ni Bartimeo na mahina siya, ngunit ganap ang lakas ni Hesus. Kaya sa kanyang pangangailangan, mapagpakumbaba siyang lumapit kay Hesus, kinikilala Siya bilang pinagmumulan ng kailangan niya.
Ikalawa, isa itong panalanging sumisigaw upang humingi ng “awa.” Ang pagkahabag ay ang lungkot at malasakit na nadarama dahil sa pagdurusa ng iba. Ang pagkahabag ay awa, isang anyo ng pag-ibig na ipinagkakaloob sa kapwa kahit hindi kailangang ibigay ito. Sa panalanging ito, hinihiling ni Bartimeo sa makapangyarihang Panginoon na pagpakitaan siya ng kagandahang-loob at awa kahit hindi siya karapat-dapat sa gayong kaloob. Ipinakikita ng panalanging ito na alam ni Bartimeo na hindi siya karapat-dapat tumanggap ng tulong mula sa ating Panginoon, ngunit sumigaw pa rin siya sa pag-asang tutulungan siya ni Hesus. At tinutulungan nga siya ni Hesus.
Ikatlo, mababanaag sa panalanging ito ang matindi at malalim na damdamin. Hindi lamang ito paghingi ng tulong sa Diyos, kundi isang sigaw para sa tulong. Isa itong pagmamakaawa, isang paraan ng pagsusumamo. Binubuksan ng isang tao ang kanyang kaluluwa sa Diyos, nang hindi nag-aatubiling ilantad ang sariling mga kahinaan at hindi nag-aalala kung may makakita man o kung ano ang iisipin ng iba. Ipinakikita nito kung gaano kalalim ang panalangin ng lalaking bulag.
Pagnilayan ngayon ang tatlong aral na ito mula sa maikling panalangin ni Bartimeo. Dapat tayong magpakumbaba, magsumamo ng awa, at gawin ito nang may matinding alab at pananabik. Ang pagdarasal sa ganitong paraan ay tiyak na maghahanda sa atin na tanggapin ang biyaya at awa ng Diyos.
Panginoong Hesus, Anak ni David, maawa Ka sa akin. Buong puso at may pagpapakumbaba akong nagsusumamo sa Iyo para sa Iyong awa at habag. Kahit hindi ako karapat-dapat, hinihiling ko ang Iyong biyaya at nagtitiwala ako sa Iyong kabutihan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Mga Santo Ngayong Araw – San Simon at San Judas Tadeo, mga Apostol



