Tagalog

Pangangaral sa Iyong Pamilya

Linggo, Pebrero 3, 2019

Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon C

Mga Pagbasa Ngayon

San Blas, Obispo at Martir, o San Ansgar, Obispo – Paggunita na Hindi Sapilitan

At sinabi niya, “Amen, sinasabi ko sa inyo, walang propetang tinatanggap sa sarili niyang bayan.”  Lucas 4:24

Hindi laging kasindali ang pagbabahagi ng Mabuting Balita sa iyong pamilya gaya ng pagbabahagi nito sa isang taong hindi mo kilala. Sa kabilang banda, hindi rin laging kasindali ang pakikinig sa mensahe ng Mabuting Balita mula sa isang kapamilya gaya ng pakikinig dito mula sa ibang tao. Bakit kaya ganoon?

Maaaring dahil sa pagiging pamilyar natin sa isang tao, gaya ng isang kapamilya, matukso tayong hindi gaanong magtiwala sa kanyang mga paninindigan at sa kanyang patotoo bilang Kristiyano. Tiyak na hindi ito totoo sa lahat ng ating ugnayan, pero maaari itong mangyari sa ilan. Kung minsan, hindi gaanong pinagtitiwalaan ng mga anak ang sinasabi ng kanilang magulang kung ihahambing sa sinasabi ng ibang tao. Maaaring hindi rin kasingbukas ang magkakapatid sa payo ng isa’t isa gaya ng pagiging bukas nila sa payo ng ibang tao.

Marahil ang isa sa mga dahilan ng ganitong karanasan ay madalas na mas mapuna tayo sa mga taong kilalang-kilala natin kaysa sa mga hindi natin kilala.  Madali nating hinahayaang maging hadlang sa pagiging bukas natin sa ating mga kapamilya ang mahabang kasaysayan ng ating mga personal na karanasan sa kanila.  Lalo itong nangyayari dahil sa masasamang karanasang pinagdaanan natin sa paglipas ng mga taon.  Kadalasan, kinikimkim natin ang masasamang karanasan at mga sama ng loob taon-taon, at hinahayaan nating maging batayan ang mga ito sa pagtingin natin sa anumang sinasabi o ginagawa ng isang kapamilya.

Dapat tayong hamunin ng sinabi ni Hesus na “walang propetang tinatanggap sa sarili niyang bayan” na tiyaking hindi tayo mahulog sa ganitong ugali. Dapat nating gawin ang ating makakaya upang matiyak na talagang tinatanggap natin ang propetikong patotoong ibinabahagi sa atin ng sarili nating mga kapamilya.

Ang pinakamainam na paraan upang magawa ito ay tiyaking lagi nating sinisikap na alisin ang anumang “bigat” na dinadala natin sa mga ugnayang iyon. Madalas tayong may dinadalang bigat ng sakit ng loob, galit, at sama ng loob nang hindi man lang natin namamalayan. Madali rin tayong mapako sa mga kahinaan ng ating mga kapamilya dahil madaling makita ang mga ito kapag malapit tayo sa kanila.

Pagnilayan mo ngayon ang iyong pamilya.  Pagnilayan mo lalo na kung hinahayaan mong makita ang higit pa sa kanilang mga kahinaan at kasalanan upang mamalas ang kabutihan ng Diyos na kumikilos sa kanilang buhay.  Maraming nais sabihin sa iyo ang Diyos sa pamamagitan nila.  Tiyakin mong hindi mo isinara ang pintuang iyon at handa kang tanggapin sila bilang mga tagapagdala ng Ebanghelyo.

Panginoon, nagpapasalamat ako sa Iyo para sa aking pamilya. Salamat sa Iyo dahil naging regalo sila sa aking buhay. Tulungan Mo akong magpakita sa kanila ng awa at magpatawad sa kanila sa bawat araw, kung kinakailangan. Tulungan Mo akong maging bukas araw-araw sa Iyong tinig na nagsasalita sa pamamagitan nila. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo ng Araw – San Blas – San Ansgar