Tagalog

Pagluwalhati sa Pamamagitan ng Pagdurusa

Linggo, Mayo 19, 2019

Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, Taon C

Mga Pagbasa Ngayon

Lahat ng mga Santo para sa Araw na Ito

Nang makaalis na si Judas, sinabi ni Hesus, “Ngayon ay niluluwalhati ang Anak ng Tao, at niluluwalhati ang Diyos sa Kanya.” Juan 13:31

Mahalagang malaman kung paano magtatapos ang kuwento. Alam na ni Hesus ang katapusan nito nang sabihin Niya ang mga salitang ito sa mga Apostol sa Huling Hapunan, pagkaalis na pagkaalis ni Hudas upang ipagkanulo Siya. Mahalagang tingnan ang pangyayaring ito ayon sa pagkaunawa rito ni Hesus. Sa pananaw lamang ng tao, isa sa pinakamalalapit na kaibigan ni Hesus ang malapit nang magkanulo sa Kanya kapalit ng salapi. Para sa karamihan sa atin, madudurog ang ating kalooban at makadarama tayo ng galit at sakit. Ngunit dahil alam ni Hesus ang katapusan ng kuwento, nakita Niya na ang pagkakanulo ni Hudas ang magiging daan sa Kanyang pagluwalhati, hindi sa Kanyang pagkatalo. Itinuon Niya ang Kanyang tingin sa Langit at sa lahat ng maisasakatuparan Niya sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa, sa halip na pagtuunan ang sakit na malapit na Niyang danasin.

Isa itong makapangyarihang aral para sa ating lahat. Una, mahalagang pagnilayan natin ang pagluwalhati kay Hesus sa pamamagitan ng pagkakanulo sa Kanya, ng Kanyang pagdurusa at kamatayan. Ngunit dapat din nating pagsikapang makita kung ano ang maaaring ibunga ng sarili nating mga pagdurusa kapag iniisa ang mga ito sa Tagapagligtas ng Sanlibutan.

Paano ka tumutugon kapag may nagkakasala sa iyo? Paano kaya ang magiging tugon mo kung ikaw ang pinagtaksilan ni Judas sa kabila ng iyong pagmamahal? Napakahirap harapin nang tapat ang tanong na ito, at mas mahirap pang isabuhay ang tugong ipinamalas ni Hesus. Ang katotohanan ay sa tuwing tayo ay pinagmamalupitan ng iba, binibigyan tayo ng pagkakataong luwalhatiin ang Diyos at palaganapin ang Kaharian ng Langit sa pamamagitan ng pagpapatawad, pag-iisa ng ating pagdurusa sa pagdurusa ni Kristo, at pagkakaloob ng awa. Higit na madaling sabihin ito kaysa isabuhay.

Pagnilayan mo ngayon ang tagpong ito sa Ebanghelyo. Masdan si Judas na umaalis sa Huling Hapunan at lumalabas sa kadiliman ng gabi upang ipagkanulo ang ating Panginoon. Ngunit tingnan mo ito gaya ng pagtingin ni Hesus. Tingnan mo ito nang may pagkaunawang ito ang paraang pinili ng Ama upang ihatid ang kaligtasan sa sanlibutan. Pagnilayan mo rin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa iyo upang gawin ang ginawa ni Hesus. Sikaping tumukoy ng mga tiyak at kongkretong pagkakataon, at tingnan ang bawat pagdurusang iyong tinitiis bilang isang maluwalhating pagkakataong ipamahagi ang awa ng Diyos. Bagaman maaaring mahirap ito sa simula, ang gawang ito ng pag-ibig ang magbibigay ng dakilang kaluwalhatian sa Ama sa Langit!

Mahal kong Panginoon, ipinagkanulo Ka sa pamamagitan ng halik ng isa sa pinakamalalapit Mong kaibigan. Ngunit sa Iyong ganap na karunungan, nakita Mo sa pagkakanulong ito ang ganap na pagkakataon upang luwalhatiin ang Ama sa pamamagitan ng Iyong awa at pagpapatawad. Panginoon, ipinagkanulo rin Kita nang di-mabilang na ulit. Pinagsisisihan ko iyon. Ngunit nagpapasalamat ako sa Iyo sa pagmamahal at pagpapatawad Mo sa akin nang may ganap na awa ng Iyong Puso. Tulungan Mo akong tanggapin ang awang iyon at ipagkaloob din ito sa mga nagkasala sa akin. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos