Tagalog

Ang Kapangyarihan ng Salita ng Panginoon

Martes, Setyembre 17, 2019

Martes ng Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Mga Pagbasa Ngayon

San Roberto Belarmino, Obispo at Pantas ng Simbahan – Paggunita na Hindi Sapilitan

“Binata, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!”  Umupo ang patay at nagsimulang magsalita, at ibinigay siya ni Jesus sa kanyang ina.  Lucas 7:14b-15

Binigkas ng ating Panginoon ang mga salitang ito sa harap ng kabaong ng isang lalaking namatay ilang araw na ang nakalilipas.  Nagdadalamhati ang kanyang ina.  Siya ang kaisa-isang anak na lalaki ng inang ito na isa nang biyuda.  Isipin ang kanyang kagalakan nang marinig niyang binibigkas ni Jesus ang mga salitang ito at makitang muling nabuhay ang kanyang namatay na anak.  Isa itong sandaling hindi niya kailanman malilimutan at habambuhay niyang ipagpapasalamat.

Tigib ng kahulugan ang mga salitang ito.  Una sa lahat, mga salita ang mga ito na nagdulot ng isang himala.  Nagsalita si Jesus at naganap ang Kanyang sinabi.  Muling nabuhay ang patay sa Kanyang utos.

Ngunit inihahayag din ng mga salitang ito ang isang malalim na katotohanang espirituwal. Maaaring hindi literal na buhayin ni Hesus ang mga mahal natin sa buhay, ngunit sa marami pang ibang paraan ay sinasabi Niya sa atin ang mga salitang may kapangyarihan. Kapag matatag ang ating pananampalataya at lumalapit tayo sa Kanya nang may pag-asa, pagtitiwala at pagsuko ng sarili, sasabihin Niya sa atin ang mga salitang mag-aahon sa atin mula sa ating paghihirap at sakit.

Ano ang kailangan mong dalhin sa ating Panginoon?  Ano ang nagpapadama sa iyo na tila patay ka at nag-iisa sa iyong buhay?  Anong pagdurusa, kasalanan, sugat ng kalooban, o pagkabigo ang kailangan mong dalhin sa ating Panginoon?

Pagnilayan mo ngayon ang kapangyarihan ng mga salita ng ating Panginoon.  Pagnilayan mo lalo na kung ano ang maaaring ipag-utos ng ating Panginoon na mangyari sa iyong buhay.  Ihandog mo sa Kanya sa araw na ito ang iyong mga kasalanan at lahat ng nagpapabigat sa iyo, at makinig sa Kanyang sasabihin sa iyo.  Hayaan mong sabihin Niya sa iyo, “Sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!”  Bumangon ka mula sa iyong kasalanan, sugat ng kalooban, galit at pasakit.  Hayaan mong tumimo ang Kanyang mga salita at baguhin ang iyong buhay, upang muling mabuhay ang tila patay na.

Panginoon, isinusuko ko sa Iyo ang buo kong pagkatao at ang lahat ng nagpapabigat sa buhay ko. Ipinagkakatiwala ko sa Iyo ang aking kasalanan, sama ng loob, galit at lahat ng tila humahadlang sa panibagong buhay na tinatawag Mo akong tahakin. Nawa’y maisuko ko sa Iyo ang lahat, minamahal kong Panginoon, at marinig ang pagtawag Mo sa akin mula sa kawalan ng pag-asa tungo sa panibagong buhay. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Santo ng Araw – San Roberto Belarmino