Tagalog

Maningning na Pagliliwanag

Lunes, Setyembre 23, 2019

Lunes ng Ikadalawampu’t Limang Linggo sa Karaniwang Panahon

Mga Pagbasa Ngayon

San Pio ng Pietrelcina (Padre Pio), Pari – Paggunita

“Walang sinumang nagsisindi ng ilawan at pagkatapos ay tinatakpan ito ng isang sisidlan o inilalagay sa ilalim ng higaan; sa halip, inilalagay niya ito sa patungan ng ilawan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag.”  Lucas 8:16

Tayong lahat ay kailangang “makakita ng liwanag.”  Nangyayari ito, halimbawa, kapag ang iba ay nagsisilbing maningning na mga ilaw ni Kristo para sa atin.  At ang isang paraan naman upang “makakita ng liwanag” ang mga nasa paligid natin ay kapag tayo ay nagiging maningning na mga halimbawa ng liwanag ni Kristo para sa kanila.

Ipinakikita ng talatang ito na tungkulin nating maging liwanag ni Kristo para sa mundong nangangailangan. Malinaw sa talatang ito na kapag pinagningas natin ang apoy ni Kristo sa ating mga puso, nagliliwanag Siya sa pamamagitan natin upang makita Siya ng iba. Sabi ni Hesus, “Walang nagsisindi ng ilawan at pagkatapos ay itinatago ito…” Sa madaling salita, kung hindi ka nagliliwanag sa liwanag ni Kristo, hindi iyon dahil itinatago mo Siya, kundi dahil hindi Siya nag-aalab sa iyong kaluluwa. Kapag nag-aalab Siya sa iyong kaluluwa, hindi mapipigil ang liwanag.

Ang saligang katotohanang ito ay malaking tulong sa ating pagninilay at pagkilatis hinggil sa ating ugnayan kay Kristo.  Sa madaling salita, kung buhay si Jesus sa ating buhay, kung tunay nating isinasabuhay ang isang ugnayan ng pag-ibig sa Kanya, makikita natin ang bunga nito sa buhay ng mga nasa paligid natin.  Makikita nating ang liwanag na iyon ay sumisinag sa iba. Ang bunga ng pagliwanag ni Kristo sa pamamagitan natin ay magiging parang salamin ng sarili nating kaluluwa.

Pagnilayan mo ngayon ang mga nasa paligid mo at pag-isipan kung ano ang nagiging bunga ng iyong pag-ibig kay Kristo sa kanilang buhay.  Nakikita mo bang naaakay ang iba na mahalin si Kristo sa pamamagitan mo?  Kung hindi, suriin mo ang iyong puso at sikaping muling pag-alabin ang apoy ng pag-ibig ng Diyos.

Panginoon, halina at mag-alab Ka sa aking kalooban. Pagningasin Mo ang aking puso sa Iyong pag-ibig. Nais kong maging naglalagablab na apoy ang aking puso upang sa pamamagitan nito ay maakit sa Iyo ang marami. Gamitin Mo ako, mahal na Panginoon, ayon sa Iyong kalooban. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Santo ng Araw – San Pio ng Pietrelcina (Padre Pio)