Disyembre 21, 2019
Karaniwang Araw sa Adbiyento
Mga Pagbasa Ngayong Araw
San Pedro Canisio, Pari at Pantas ng Simbahan—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

“Ikaw ang pinakapinagpala sa lahat ng babae, at pinagpala ang bunga ng iyong sinapupunan. At paano nangyari sa akin ito, na ang ina ng aking Panginoon ay dumalaw sa akin? Sapagkat sa sandaling narinig ko ang iyong pagbati, lumukso sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpala ka na sumampalatayang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon.” Lucas 1:42b-45
Kay daming mapagninilayan sa magandang bahaging ito ng sinabi ni Elisabet sa ating Mahal na Ina! Una sa lahat, mapapansin natin ang himig ng kanyang pagbati. Punô ito ng pagmamahal. Madaling madama ang tunay na kagalakan sa puso ni Elisabet sa pagharap niya sa Ina ng Diyos at sa kanyang Panginoong nananahan sa sinapupunan ni Inang Maria.
“At paano nangyari sa akin ito, na ang ina ng aking Panginoon ay dumalaw sa akin?” Ipinahahayag ng mga salitang ito na tunay na nagalak si Elisabet sa kanyang pakikipagtagpo kay Maria at itinuring niya ito na isang saganang pagpapala. Kapansin-pansin ito sapagkat higit na matanda si Elisabet kaysa kay Maria. Maaari sana niyang “asahan” na naroon si Maria at balewalain ang pagdalaw nito. Ngunit hindi niya ito ginawa; sa halip, tinanggap niya ito nang may malaking pasasalamat.
Malinaw rin na hindi lamang si Elisabet ang pinagpala sa pakikipagtagpo sa Ina ng Diyos at sa kanyang Anak. Ang sanggol ni Elisabet, si Juan Bautista, na nabubuhay sa kanyang sinapupunan, ay napuspos din ng kagalakan at lumukso bilang pagpapahayag ng kagalakang iyon. Kaydakila ng epekto ng pagdalaw na ito kapwa kay Elisabet at sa kanyang sanggol na nasa sinapupunan pa.
Dapat itong pumukaw ng isang tanong sa iyong puso. Namamalayan mo ba ang presensya ni Kristo kapag dumarating Siya sa iyo? Kung namalayan Siya ni Elisabet at ng sanggol sa kanyang sinapupunan, hindi ba dapat ay mamalayan din natin Siya? Halimbawa, kapag pumapasok ka sa isang simbahan, namamalayan mo ba kaagad ang banal na presensya ng ating Panginoon? Nadarama mo ba ang Kanyang pagiging malapit? At kapag tinatanggap mo Siya sa Banal na Komunyon, lubos bang nakatuon ang iyong puso sa Tagapagligtas na dumarating sa iyo at nananahan sa iyong kalooban? Nangangailangan ito ng pananampalataya at ng mga matang nakatuon sa pagdating at presensya ng Panginoon.
Manalangin ka ngayon para sa kaloob na makakita. Manalangin na pagkalooban ka ng ating Panginoon ng mga matang kailangan mo upang mamalayan ang Kanyang banal na presensya sa iyong paligid. At lalo mong ipanalangin na maging bukas ang iyong isip at puso sa Kanyang banal na presensya habang nakakatagpo at tinatanggap mo Siya sa Banal na Komunyon.
Panginoon, tunay kong ninanais na makita Ka at makilala Ka. Nais kong makilala ang Iyong presensya sa lahat ng nasa paligid ko at sa bawat paraan ng paglapit Mo sa akin. Higit sa lahat, tulungan Mo akong maging mapagmatyag sa Iyong presensya sa Banal na Komunyon. Nawa’y lagi akong lumukso sa tuwa sa aking puso sa pagdating Mo sa akin sa pinakaganap na paraang ito. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Sanggunian para sa Adbiyento




