Enero 19, 2020
Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon A
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Nakita ni Juan Bautista si Hesus na papalapit sa kanya at sinabi niya, “Masdan ninyo ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Siya ang tinutukoy ko nang sabihin ko, ‘May lalaking darating na kasunod ko ngunit nakahihigit sa akin, sapagkat umiiral na siya bago pa ako umiral.’” Juan 1:29-30
Tunay na nagbibigay-inspirasyon, mahiwaga, at kamangha-mangha ang pagkaunawa ni San Juan Bautista tungkol kay Hesus. Nakita niyang papalapit sa kanya si Hesus, at agad niyang binanggit ang tatlong katotohanang inihayag tungkol kay Hesus: 1) Si Hesus ang Kordero ng Diyos; 2) Si Hesus ay nakahihigit kay Juan; 3) Umiiral na si Hesus bago pa umiral si Juan.
Paano nalaman ni Juan ang lahat ng ito? Saan nagmula ang gayon kalalalim na pahayag tungkol kay Hesus? Malamang na pinag-aralan ni Juan ang mga Kasulatan na taglay nila noon at alam niya ang maraming sinabi ng mga propeta noong una tungkol sa darating na Mesiyas. Malamang na pamilyar din siya sa mga Salmo at sa mga Aklat ng Karunungan. Ngunit higit sa lahat, ang nalalaman ni Juan ay bunga ng kaloob na pananampalataya. Binigyan siya ng Diyos ng tunay na espirituwal na pag-unawa.
Ipinakikita nito hindi lamang ang kadakilaan ni Juan at ang lalim ng kanyang pananampalataya, kundi pati ang dapat nating pagsikapang maabot sa buhay. Dapat nating sikaping mamuhay araw-araw na ginagabayan ng tunay na espirituwal na pag-unawang kaloob ng Diyos.
Hindi naman ibig sabihin nito na kailangan nating mamuhay araw-araw sa isang kalagayang hayagang propetiko at mistiko. Hindi rin ibig sabihin na dapat nating asahang higit ang ating kaalaman kaysa sa iba. Sa halip, dapat tayong maging bukas sa mga Kaloob ng Espiritu Santo upang magkaroon tayo ng kaalaman at pag-unawa sa buhay na higit sa kayang maabot ng isip ng tao sa sarili lamang nitong pagsisikap.
Malinaw na puspos si Juan ng Karunungan, Pag-unawa, Payo, Kaalaman, Katatagan, Pagpipitagan, at Paghanga. Dahil sa mga Kaloob na ito ng Espiritu Santo, nakapamuhay siyang tinutustusan ng biyaya ng Diyos. May mga bagay siyang nalaman at naunawaan na tanging Diyos lamang ang makapaghahayag. Minahal at pinagpitaganan niya si Hesus nang buong alab at may pagpapasakop ng kanyang kalooban na tanging Diyos lamang ang makapagbibigay-inspirasyon. Kitang-kita na ang kabanalan ni Juan ay bunga ng kanyang pakikiisa sa Diyos.
Pagnilayan mo ngayong araw ang pahayag na ito ni Juan tungkol kay Hesus na nagpapakita ng pambihirang lalim ng kanyang pagkaunawa. Nalaman lamang ni Juan ang mga katotohanang ito dahil buhay ang Diyos sa kanyang buhay, ginagabayan siya at inihahayag sa kanya ang mga ito. Magpasya ka ngayong araw na tularan ang malalim na pananampalataya ni Juan at maging bukas sa lahat ng nais sabihin sa iyo ng Diyos.
Mahal kong Panginoong Hesus, bigyan Mo ako ng pag-unawa at karunungan upang makilala Kita at manampalataya sa Iyo. Tulungan Mo ako sa bawat araw na higit kong matuklasan ang dakila at kamangha-manghang hiwaga ng kung sino Ka. Mahal Kita, Panginoon ko, at dalangin kong lalo pa Kitang makilala at mahalin. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos




