Tagalog

Biyaya sa mga Pangkaraniwang Bagay

Marso 22, 2020
Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma (Taon A)
Mga Pagbasa Ngayon

Habang nagdaraan si Hesus, nakita Niya ang isang lalaking bulag mula pa sa pagsilang…

…dumura Siya sa lupa, gumawa ng putik gamit ang laway, ipinahid ang putik sa mga mata ng lalaki, at sinabi sa kanya, “Humayo ka at maghilamos sa Tipunan ng Tubig ng Siloam” —na ang ibig sabihin ay Isinugo—. Kaya humayo siya at naghilamos, at bumalik na nakakakita na. Juan 9:1, 6–7

Sino ang lalaking ito? Kapansin-pansing hindi binanggit ang pangalan niya. Tinukoy lamang siya bilang “lalaking bulag mula pa sa pagsilang.” Mahalaga ito sa Ebanghelyo ni Juan dahil may iba pang tauhang hindi rin pinangalanan, gaya ng nasa kuwento ng “babae sa balon.” Ang hindi pagbanggit sa pangalan ng lalaki ay nagpapahiwatig na dapat nating makita ang ating sarili sa kuwentong ito.

Ang “pagkabulag” ay ang hindi natin pagkakita sa kamay ng Diyos na kumikilos sa ating paligid. Nahihirapan tayong makita ang mga himalang nagaganap araw-araw dahil sa biyaya ng Diyos na buhay sa atin at sa ibang tao. Kaya sa pagninilay sa bahaging ito ng Kasulatan, una nating dapat pagsikapang makita na tayo mismo ay hindi nakakakita. Dapat nating pagsikapang maunawaan na madalas nating hindi nakikita ang Diyos na kumikilos. Ang pagkaunawang ito ang mag-uudyok sa atin na hangarin ang espirituwal na paggaling. Aanyayahan tayo nitong magnais na makita ang Diyos na kumikilos.

Maliwanag na ang mabuting balita ay pinagaling ni Hesus ang lalaking ito, kung paanong kusa rin Niya tayong pinagagaling. Madali para kay Hesus na magpanumbalik ng paningin. Kaya ang una nating panalangin matapos pagnilayan ang kuwentong ito ay ganito kasimple: “Panginoon, nais kong makakita!” Kapag mapagpakumbaba nating nauunawaang bulag tayo, binubuksan natin ang ating sarili sa pagkilos ng biyaya ng Diyos. At kung hindi natin mapagpakumbabang kikilalanin ang ating pagkabulag, hindi tayo magiging handang humanap ng kagalingan.

Mahalaga rin kung paano Niya pinagaling ang lalaking ito. Ginamit Niya ang sarili Niyang laway upang gumawa ng putik at ipinahid iyon sa mga mata ng lalaki. Sa unang tingin, hindi ito kaaya-aya. Ngunit may napakahalaga itong ipinakikita sa atin: kayang gamitin ni Hesus ang isang napakapangkaraniwang bagay bilang bukal ng Kanyang banal na biyaya!

Kung titingnan natin ito bilang isang sagisag, may malalalim tayong mauunawaan. Madalas nating hanapin ang pagkilos ng Diyos sa mga pambihirang bagay. Ngunit madalas Siyang naroroon sa mga pangkaraniwang bagay. Maaaring matukso tayong isipin na kumikilos lamang ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang biyaya sa mga kabayanihang gawa ng pag-ibig o pagsasakripisyo. Maaaring matukso rin tayong isipin na hindi Niya kayang gamitin ang mga pangkaraniwang gawain natin sa araw-araw upang gumawa ng mga himala. Ngunit hindi ito totoo. Naroroon ang Diyos sa mismong mga pangkaraniwang gawaing ito ng buhay. Naroroon Siya habang naghuhugas tayo ng pinggan, gumagawa ng mga gawaing bahay, naghahatid ng bata sa paaralan sakay ng sasakyan, nakikipaglaro sa isang kapamilya, nakikipagkuwentuhan, o nag-aalok ng tulong. Sa katunayan, habang mas pangkaraniwan ang gawain, lalo nating dapat pagsikapang makita ang Diyos na kumikilos dito. At kapag “nakikita” natin Siyang kumikilos sa mga pangkaraniwang gawain ng buhay, gagaling tayo sa ating espirituwal na pagkabulag.

Pagnilayan mo ngayon ang ginawang ito ni Hesus at hayaan mong pahiran ng ating Panginoon ang iyong mga mata ng Kanyang laway at lupa. Hayaan mong ipagkaloob Niya sa iyo ang biyaya ng espirituwal na paningin. At habang nagsisimula mong makita ang Kanyang presensya sa iyong buhay, mamamangha ka sa gandang iyong mamamasdan.

Panginoon, nais kong makakita. Tulungan Mo akong gumaling sa aking pagkabulag. Tulungan Mo akong makita Kang kumikilos sa bawat pangkaraniwang gawain sa aking buhay. Tulungan Mo akong makita ang Iyong banal na biyaya sa pinakamaliliit na pangyayari sa araw ko. At habang nakikita Kitang buhay at kumikilos, puspusin Mo ang aking puso ng pasasalamat sa pagkakitang ito. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

40 Araw sa Paanan ng Krus – Ikadalawampu’t Limang Pagninilay – Nabubuwal si Hesus

Mga Sanggunian para sa Kuwaresma

Mga Panalangin Laban sa Pandemya ng Coronavirus at Banal na Misa Online

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa