Tagalog

Pag-uusig

Mayo 16, 2020
Sabado ng Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Pagbasa Ngayong Araw

“Alalahanin ninyo ang sinabi Ko sa inyo, ‘Walang aliping higit sa kanyang panginoon.’ Kung inusig nila Ako, uusigin din nila kayo.”  Juan 15:20

Nais mo bang maging katulad ni Hesus?  Kung gayon, maging handa sa kahulugan nito.  Madaling isipin na habang lalo tayong napapalapit kay Kristo, lalo tayong mamahalin at mauunawaan ng mundo.  Maaaring isipin nating makikita at hahangaan ng lahat ang ating kabanalan at magiging mabuti at madali ang lahat sa buhay.

Ngunit sapat nang tingnan natin ang buhay ni Kristo upang malaman na hindi ganito ang nangyayari.  Malinaw na Siya ay ganap sa lahat ng bagay.  Dahil dito, Siya ay pinakitunguhan nang may matinding masamang hangarin at pag-uusig.  Mahirap unawain ang madilim na katotohanang pinatay nga nila Siya.  Sa dilim ng gabi, Siya ay dinakip, isinailalim sa isang huwad na paglilitis, hinatulang nagkasala at pinatawan ng kamatayan.  Agad na isinagawa ang hatol sa Kanya.

Bakit nila ito ginawa sa Anak ng Diyos?  Bakit napakalupit ng naging pagtrato sa Isang ganap at maawain sa lahat ng bagay?  

Kung naroon tayo bilang mga unang tagasunod Niya, malamang na nabigla, natakot, natisod at nalito tayo.  Maaaring naisip nating nagkamali si Hesus at nawalan tayo ng pag-asa sa Kanya.  Ngunit ang Kanyang plano ay ganap sa lahat ng bagay, at nasa pinakasentro ng planong iyon ang Kanyang pagtitiis sa mga maling paratang at mapanirang pag-uusig.  At sa malaya Niyang pagtanggap sa pagmamalupit na ito, tinubos Niya ang mundo.

Kaya balikan natin ang unang tanong, “Nais mo bang maging katulad ni Hesus?”  Mahirap sagutin ang tanong na ito kapag tiningnan natin ito sa liwanag ng nangyari sa Kanya.  “Walang aliping higit sa kanyang panginoon.”  “Kung inusig nila Ako, uusigin din nila kayo.”  Mahirap tanggapin at sang-ayunan ang mga salitang ito.  

Ang pag-uusig ay hindi natin dapat takasan.  Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa kapag nangyari ito, at hindi tayo dapat yumuko sa panghihina ng loob.  Bakit?  Sapagkat ang pag-uusig ay malinaw na tanda na sumusunod tayo sa mga yapak ng ating Panginoon.  Dahil sa pag-uusig, higit na malalim ang ating pakikiisa kay Kristo kaysa sa kaya nating maunawaan. 

Ang mahalaga ay malaman nating nilalayon ng Diyos na gamitin para sa kabutihan ang lahat ng pagmamalupit kung hahayaan natin Siya.  At hinahayaan natin Siyang gamitin ito para sa kabutihan kapag ipinagkakatiwala natin ito sa Kanya at tinatanggap nang maluwag sa loob, hindi nang may sama ng loob.  Ang ating tugon ay dapat na “magalak at magsaya” dahil itinuring tayong karapat-dapat na sumunod sa mga yapak ng ating Banal na Panginoon.

Pagnilayan mo ngayon ang anumang uri ng pag-uusig o kawalang-katarungang dinaranas mo alang-alang sa iyong pananampalataya at pagyakap sa Ebanghelyo.  Nais ng Panginoon na gamitin iyon kung hahayaan mo Siya.

Panginoon, tunay kong isinusuko sa Iyo ang lahat ng nagpapabigat sa aking kalooban. Iniaalay ko sa Iyo ang anumang pagdurusang dinaranas ko dahil sa pagsunod sa Iyo. Nawa’y matularan Kita hindi lamang sa Iyong pagdurusa kundi pati sa kusang pagyakap Mo rito. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Larawan: Ang Paghagupit kay Kristo ni Nicola Grassi



40 Araw sa Paanan ng Krus:
Isang Mapagmahal na Pagtingin mula sa Puso ng Ating Mahal na Ina