Mayo 25, 2020
Lunes ng Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito
San Beda na Kagalang-galang, Pari at Pantas ng Simbahan—Opsiyonal na Paggunita
San Gregorio VII, Papa, Relihiyoso—Opsiyonal na Paggunita
Santa Maria Magdalena de Pazzi, Birhen—Opsiyonal na Paggunita

“Ngayon ay nauunawaan namin na alam Mo ang lahat at hindi Mo kailangang may magtanong pa sa Iyo. Dahil dito, naniniwala kami na nagmula Ka sa Diyos.” Sumagot si Hesus sa kanila, “Naniniwala na ba kayo ngayon? Narito, dumarating na ang oras, at dumating na nga, na magkakawatak-watak kayo, bawat isa sa kani-kaniyang tahanan, at iiwan ninyo Akong mag-isa.” Juan 16:30–32
Sumasampalataya ka na ba kay Hesus? Gaano kalalim ang pananampalatayang iyon? At bakit ka sumasampalataya? Handa ka ba at bukal ba sa loob mong panghawakan ang pananampalatayang iyon anuman ang dumating sa buhay mo? Handa ka bang sumunod sa Kanya kahit mahirap ito at hindi sang-ayon dito ang karamihan? Handa ka bang magdusa dahil sa iyong pananampalataya? Mahahalagang tanong ang mga ito. Mga tanong itong dapat nating sagutin kapwa sa mga panahong madaling maging Kristiyano at sa mga panahong mahirap ito.
Madaling maging Kristiyano at sumunod kay Hesus kapag ganoon din ang ginagawa ng lahat. Halimbawa, sa isang binyag o kasal, karaniwan lamang na naisin nating makibahagi at ipaalam sa iba na sinusuportahan at pinaniniwalaan natin ang kanilang ginagawa. Ngunit paano naman sa mga sandaling kinukutya o minamaliit ang iyong pananampalataya? O kapag kailangan mong gumawa ng mahirap na pasyang tanggihan ang mga panggigipit ng umiiral na kultura at manindigan para sa iyong pananampalataya? Ito ang mga panahong mas mahirap maging tagasunod ni Kristo.
Sa Ebanghelyo ngayon, marami ang nagsusuri sa mga turo ni Hesus, nakikinig sa Kanya, at nag-uusap tungkol sa Kanya. Tila malinaw na nagkakaisa sila sa pagkilalang si Hesus ay isang taong banal at isang dakilang propeta. Marami pa nga ang nagsisimulang maniwalang Siya ang Mesiyas. Kaya may lumalakas na pagtanggap sa Kanya na nagpadali para sa marami na sabihing sumasampalataya sila sa Kanya at naniniwalang nagmula Siya sa Diyos.
Agad nilinaw sa kanila ni Hesus na bagaman sumasampalataya sila ngayon, malapit nang dumating ang panahong magkakawatak-watak sila at halos lahat ay tatalikod sa Kanya at iiwan Siya nang mag-isa. Maliwanag na propesiya ito tungkol sa nalalapit Niyang pag-uusig at Pagpapako sa Krus.
Isa sa pinakamalalaking pagsubok sa ating pananampalataya ang suriin kung gaano tayo katapat kapag ang pagsunod kay Kristo ay hindi gaanong tinatanggap ng karamihan. Sa mga sandaling ito, higit kaysa sa mga panahong madali ang lahat, mayroon tayong pagkakataong ipamalas ang ating pananampalataya at patatagin ang ating pasyang maging Kristiyano.
Pagnilayan mo ngayon kung gaano kalalim ang iyong pagtatalaga ng sarili kay Kristo. Handa ka bang sumunod sa Kanya hanggang sa Krus? Bukal ba sa loob mong talikuran ang lahat upang sumunod sa Kanya? Nawa’y isang matatag na oo ang iyong sagot. Dapat itong maging isang “Oo” na gumagabay sa ating buhay anuman ang kalagayang kinasasapitan natin.
Panginoon, tunay akong sumasampalataya. Tulungan Mo akong panatilihing matatag sa lahat ng oras ang aking pananampalataya sa Iyo. Tulungan Mo akong magsabi ng oo sa Iyo at laging isabuhay ang aking oo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Nobena sa Espiritu Santo
Dinadasal bilang paghahanda sa Pentekostes
Ikaapat na Araw – Lunes, Mayo 25
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Santo sa Araw na Ito
San Beda na Kagalang-galang, Pari at Pantas ng Simbahan
San Gregorio VII, Papa, Relihiyoso
Santa Maria Magdalena de Pazzi, Birhen
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Larawan: Nagsasalita si Hesus Malapit sa Kabang-yaman, likha ni James Tissot




