Nobyembre 5, 2020
Huwebes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayong Araw

Ang lahat ng maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit upang makinig kay Jesus, ngunit nagsimulang magreklamo ang mga Pariseo at mga eskriba, na nagsasabi, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Lucas 15:1-2
Paano mo pinakikitunguhan ang mga makasalanang nakakasalamuha mo? Iniiwasan mo ba sila, pinag-uusapan, kinukutya, kinahahabagan, o binabalewala? Sana ay hindi! Paano mo ba dapat pakitunguhan ang makasalanan? Hinayaan sila ni Jesus na lumapit sa Kanya at pinag-ukulan Niya sila ng pansin. Sa katunayan, gayon na lamang ang Kanyang awa at kabutihan sa makasalanan kaya matindi Siyang pinuna ng mga Pariseo at mga eskriba. Ikaw naman? Handa ka bang makisalamuha sa makasalanan kahit na maging dahilan ito upang punahin ka?
Napakadaling maging mabagsik at mapuna sa mga taong “karapat-dapat tratuhin nang ganoon.” Kapag nakikita nating may taong malinaw na naliligaw ng landas, halos makumbinsi natin ang ating sarili na may dahilan tayong sisihin at maliitin siya, na para bang mas mabuti tayo kaysa sa kanya o para bang wala siyang halaga. Kay daling gawin iyon, ngunit kay laking pagkakamali!
Kung nais nating maging katulad ni Jesus, dapat ay ibang-iba ang ating saloobin sa kanila. Dapat ay iba ang ating pakikitungo sa kanila kaysa sa kung ano ang udyok ng ating damdamin. Ang kasalanan ay pangit at marumi. Madaling punahin ang isang taong nakagapos sa paulit-ulit na pagkakasala. Ngunit kung gagawin natin ito, wala tayong ipinagkaiba sa mga Pariseo at mga eskriba noong panahon ni Jesus. At malamang na gayundin katindi ang maging pakikitungo sa atin ni Jesus dahil sa ating kawalan ng awa.
Kapansin-pansin na kabilang sa iilang kasalanang palaging sinasaway ni Jesus ang pagiging mapanghusga at mapamuna. Para bang isinasara ng kasalanang ito ang pinto sa awa ng Diyos sa ating buhay.
Pagnilayan mo ngayon kung paano mo tinitingnan at pinakikitunguhan ang mga taong medyo hayag ang mga kasalanan. Pinakikitunguhan mo ba sila nang may awa? O tumutugon ka nang may paghamak at kumikilos nang may pusong mapanghusga? Muli mong italaga ang iyong sarili sa pagiging maawain at sa ganap na pagtalikod sa panghuhusga. Si Kristo ang may karapatang humatol, hindi ikaw. Tinatawag kang maging maawain at mahabagin. Kung ito lamang ang maibibigay mo, higit kang magiging katulad ng ating maawaing Panginoon.
Panginoon, tulungan Mo ako kapag natutukso akong maging mabagsik at mapanghusga. Tulungan Mo akong tumingin nang may habag sa taong nagkasala, upang una kong makita ang kabutihang inilagay Mo sa kanyang kaluluwa bago ko makita ang kanyang mga kasalanan. Tulungan Mo akong ipaubaya sa Iyo ang paghatol at piliin sa halip ang awa. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Larawang tampok sa itaas: Si Kristo at ang Makasalanan ni Henryk Siemiradzki




