Tagalog

Pagtatayo ng Kaharian

Marso 5, 2021
Biyernes ng Ikalawang Linggo ng Kuwaresma
Mga Pagbasa Ngayong Araw


Bideo

“Kaya sinasabi Ko sa inyo, aalisin sa inyo ang Kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang magbubunga para rito.” Mateo 21:42

Kabilang ka ba sa mga aalisan ng Kaharian ng Diyos? O kabilang ka sa mga pagkakalooban nito upang magbunga ng mabuti? Isa itong mahalagang tanong na dapat sagutin nang tapat.

Ang unang pangkat ng mga tao, yaong mga aagawan ng Kaharian ng Diyos, ay kinakatawan sa talinghagang ito ng mga umuupa sa ubasan. Malinaw na isa sa pinakamabibigat nilang kasalanan ang kasakiman. Makasarili sila. Itinuturing nila ang ubasan na paraan upang yumaman sila, at halos wala silang pakialam sa kapakanan ng iba. Nakalulungkot na madali nating makasanayan ang ganitong pag-iisip sa sarili nating buhay. Madaling tingnan ang buhay bilang sunod-sunod na pagkakataon para “umangat.” Madaling mamuhay na laging inuuna ang sariling kapakanan sa halip na taimtim na hangarin ang ikabubuti ng iba.

Ang ikalawang pangkat ng mga tao, ang mga pagkakalooban ng Kaharian ng Diyos upang magbunga ito ng mabuti, ay yaong mga nakauunawang ang pangunahing layunin ng buhay ay hindi lamang ang magpayaman kundi ang ibahagi sa iba ang pag-ibig ng Diyos. Sila ang mga taong patuloy na naghahanap ng mga paraan upang maging tunay na pagpapala sa kapwa. Ito ang pagkakaiba ng pagkamakasarili at pagkabukas-palad.

Ngunit ang pagkabukas-palad na pangunahing panawagan sa atin ay ang pagtatayo ng Kaharian ng Diyos. Naisasagawa ito sa pamamagitan ng mga gawa ng pag-ibig sa kapwa, ngunit ang pag-ibig na ito ay dapat mag-ugat sa Ebanghelyo at magkaroon ng Ebanghelyo bilang pinakalayunin nito. Ang pagkalinga sa mga nangangailangan, pagtuturo, paglilingkod, at iba pang katulad nito ay mabuti lamang kung si Kristo ang dahilan at pinakalayunin. Sa pamamagitan ng ating buhay, dapat na higit na makilala at mahalin, maunawaan at sundin si Hesus. Sa katunayan, kahit pakainin natin ang napakaraming taong naghihirap, kalingain ang mga maysakit, o dalawin ang mga nalulungkot, ngunit gawin natin ang mga ito sa ibang dahilan at hindi upang sa huli ay maibahagi ang Ebanghelyo ni Hesukristo, hindi magbubunga ang ating gawain ng mabuting bunga ng pagtatayo ng Kaharian ng Langit. Kung gayon, magiging mga pilantropo lamang tayo sa halip na mga misyonero ng pag-ibig ng Diyos.

Pagnilayan mo ngayon ang misyong ibinigay sa iyo ng ating Panginoon na mamunga nang sagana ng mabuti para sa pagtatayo ng Kanyang Kaharian. Unawain mong maisasakatuparan lamang ito sa pamamagitan ng mapanalanging paghahanap sa paraan ng pagkilos na ipinahihiwatig sa iyo ng Diyos. Hangarin mong paglingkuran lamang ang Kanyang kalooban upang ang lahat ng iyong gagawin ay maging para sa kaluwalhatian ng Diyos at sa kaligtasan ng mga kaluluwa.

Aking maluwalhating Hari, idinadalangin kong lumago ang Iyong Kaharian at makilala Ka ng maraming kaluluwa bilang kanilang Panginoon at Diyos. Gamitin Mo ako, mahal na Panginoon, sa pagtatayo ng Kahariang iyon at tulungan Mong magbunga nang sagana at mabuti ang lahat ng aking ginagawa sa buhay. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

40 Araw sa Paanan ng Krus – Ikalabing-anim na Pagninilay – Ang Pinakadakila sa mga Himala

Mga Sanggunian para sa Kuwaresma

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Kuwaresma

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Larawang tampok sa itaas: Talinghaga ng masasamang umuupa sa ubasan, likha ni Marten van Valckenborch