Tagalog

Pagpapayapa sa mga Unos ng Buhay

Hunyo 20, 2021
Ikalabindalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon B)
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

Dumating ang isang malakas na unos, at hinahampas ng mga alon ang bangka kaya napupuno na ito ng tubig. Si Jesus ay nasa hulihan ng bangka, natutulog na nakahilig sa isang unan. Ginising nila Siya at sinabi, “Guro, wala ba Kayong pakialam na mapapahamak na kami?” Bumangon Siya, sinaway ang hangin, at sinabi sa dagat, “Tumahimik ka! Pumayapa ka!” Tumigil ang hangin at nagkaroon ng lubos na katahimikan.  Mark 4:37–39

Ang talatang ito ay naglalahad ng matatawag nating isang “propetikong pagkilos” ni Jesus.  Ang pagpapayapa Niya sa unos ay isang paraan ng pangungusap sa atin tungkol sa sarili nating buhay.

Ang unang dapat pagnilayan ay naroon si Jesus sa gitna ng unos.  Nasa bangka Siya habang hinahampas ito ng mga alon.  Ngunit ang mahalaga ay naroon Siya.  Ipinahihiwatig nito na tuwing dumaranas tayo ng “unos” sa ating buhay, naroon si Jesus sa gitna nito.  Hindi Siya malayo; sa halip, naroon mismo Siya.

Ngunit mapapansin din nating natutulog Siya.  Isang aral na makukuha natin dito ay hinihintay ni Jesus ang ating panalangin.  Hinihintay Niyang bumaling tayo sa Kanya sa gitna ng unos.  Iyan ang dapat nating unang maisip tuwing nadarama nating hindi na natin kaya o sinusubok tayo ng mga pangyayari sa buhay.  

Pansinin na ang “panalangin” ng mga Apostol ay katulad ng paraan ng ating pananalangin kung minsan.  “Guro, wala ba Kayong pakialam na mapapahamak na kami?”  Madalas tayong bumaling sa Diyos at magsabi, “Panginoon, nasaan Ka?  Bakit hindi Mo ako tinutulungan?”  Ngunit dapat nating malaman na madalas na nananahimik ang Diyos bilang isang paraan ng pagtawag sa atin palapit sa Kanya upang bumaling tayo sa Kanya nang may tiwala at pananalig.  Tinanggap ni Jesus ang kanilang panalangin at tumugon Siya.

Ang tugon Niya ay ipamalas lamang ang Kanyang kapangyarihan sa unos.  Sinaway Niya ito at sinabi, “Tumahimik ka!  Pumayapa ka!”  Dahil dito, hindi na nakapagpatuloy ang unos at pumayapa ang lahat.

Dapat nating malaman na ginawa ito ni Jesus upang magtiwala tayong kaya Niyang harapin ang anumang paghihirap na dinaranas natin.  Walang unos na napakalakas para sa Kanya.  Walang anumang hindi Niya kayang harapin.  

Pagnilayan ngayon kung ano ang pinakakinatatakutan mo sa bawat araw.  Ano ang nagpapayanig sa iyong pananampalataya?  Bumaling ka kay Jesus sa gitna nito at alamin mong naroon Siya, handang maghatid ng kapayapaan at kapanatagan.

Panginoon, inaanyayahan Kitang pumasok sa aking buhay at sa unos na aking dinaranas.  Alam kong magagawa Mo ang lahat ng bagay, kaya nagsusumamo akong pagkalooban Mo ng Iyong kapayapaan at kapanatagan ang aking puso.  Tulungan Mo akong laging bumaling sa Iyo.  Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Mga tampok na larawan sa itaas: Si Kristong Natutulog sa Gitna ng Unos ni Eugène Delacroix, mula sa Wikimedia Commons