Hunyo 3, 2022
Biyernes ng Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito
San Carlos Lwanga at mga Kasama, mga Martir—Paggunita

Sinabi Niya sa kanya sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba Ako?” Nalungkot si Pedro dahil tinanong siya ni Jesus sa ikatlong pagkakataon, “Mahal mo ba Ako?” at sinabi niya sa Kanya, “Panginoon, alam Ninyo ang lahat; alam Ninyong mahal ko Kayo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang Aking mga tupa.” Juan 21:17
Tatlong beses tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal niya Siya. Bakit tatlong beses? Ang isang dahilan ay upang “makabawi” si Pedro sa tatlong beses niyang pagkakaila kay Jesus. Hindi, hindi kailangan ni Jesus na humingi ng tawad si Pedro nang tatlong beses, ngunit kailangan ni Pedro na ipahayag ang kanyang pagmamahal nang tatlong beses, at alam iyon ni Jesus.
Ang tatlo ay bilang din ng kaganapan. Halimbawa, sinasabi nating ang Diyos ay “Santo, Santo, Santo.” Ang tatlong ulit na pagpapahayag na ito ay isang paraan ng pagsasabing ang Diyos ang Kabanal-banalan sa lahat. Nang bigyan si Pedro ng pagkakataong sabihin kay Jesus nang tatlong beses na mahal niya Siya, nagkaroon siya ng pagkakataong ipahayag ang kanyang pagmamahal sa pinakamalalim na paraan.
Kaya mayroon tayong tatlong ulit na pagpapahayag ng pagmamahal at tatlong ulit na pagbawi sa pagkakaila ni Pedro. Dapat nitong ipakita sa atin ang sarili nating pangangailangang mahalin ang Diyos at hanapin ang Kanyang awa sa “tatlong ulit” na paraan.
Kapag sinasabi mo sa Diyos na mahal mo Siya, gaano ito kalalim? Higit ba itong sa salita lamang, o isa itong ganap na pagmamahal na sumasaklaw sa iyong buong pagkatao? Ang pagmamahal mo ba sa Diyos ay taos-puso mong pinaninindigan? O kailangan pa itong linangin?
Tiyak na kailangan nating lahat na linangin ang ating pagmamahal, at iyan ang dahilan kung bakit dapat maging napakahalaga sa atin ng talatang ito. Dapat nating marinig si Jesus na nagtatanong din sa atin nito nang tatlong beses. Dapat nating maunawaan na hindi Siya nasisiyahan sa isang simpleng, “Panginoon, mahal ko Kayo.” Nais Niya itong marinig nang paulit-ulit. Itinatanong Niya ito sa atin sapagkat alam Niyang kailangan nating ipahayag ang pagmamahal na ito sa pinakamalalim na paraan. “Panginoon, alam Ninyo ang lahat, alam Ninyong mahal ko Kayo!” Ito ang dapat nating maging pinakasukdulang sagot.
Ang tatlong ulit na tanong na ito ay nagbibigay rin sa atin ng pagkakataong ipahayag ang ating pinakamalalim na pananabik sa Kanyang awa. Lahat tayo ay nagkakasala. Lahat tayo ay nagkakaila kay Jesus sa isa o ibang paraan. Ngunit ang mabuting balita ay palagi tayong inaanyayahan ni Jesus na hayaang ang ating kasalanan ay maging udyok upang palalimin ang ating pagmamahal. Hindi Siya nananatiling galit sa atin. Hindi Siya nagtatampo. Hindi Niya isinusumbat sa atin ang ating kasalanan. Ngunit hinihingi Niya ang pinakamalalim na pagsisisi at ang ganap na pagbabalik-loob. Nais Niyang lubusan nating talikuran ang ating kasalanan.
Pagnilayan mo ngayon ang lalim ng iyong pagmamahal sa Diyos at kung gaano mo ito naipapahayag sa Kanya. Piliin mong ipahayag ang iyong pagmamahal sa Diyos sa tatlong ulit na paraan. Nawa’y maging malalim, tapat, at hindi na mababawi ang pagmamahal na ito. Tatanggapin ng Panginoon ang taos-pusong gawang ito at ibabalik ito sa iyo nang sandaang ulit.
Minamahal kong Panginoon, tunay na alam Ninyong mahal ko Kayo. Alam din Ninyo kung gaano ako kahina. Iparinig Ninyo sa akin ang Inyong paanyayang ipahayag ang aking pagmamahal sa Inyo at ang aking pagnanais sa Inyong awa. Nawa’y lubusan kong maialay ang pagmamahal at pagnanais na ito. Jesus, nagtitiwala ako sa Inyo.
Nobena sa Espiritu Santo
Dinadasal bilang paghahanda sa Pentekostes
Ikawalong Araw – Biyernes, Hunyo 3
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Santo ng Araw – San Carlos Lwanga at mga Kasama, mga Martir
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa




