Tagalog

Mapanghusga Ka Ba?

Hunyo 20, 2022
Lunes ng Ikalabindalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

“Huwag kayong humusga upang hindi kayo husgahan. Sapagkat kung paano kayo humusga, gayon din kayo huhusgahan, at ang panukat na ginagamit ninyo ay siya ring gagamiting panukat sa inyo.” Mateo 7:1-2

Maaaring mahirap alisin ang pagiging mapanghusga. Kapag nakasanayan na ng isang tao ang palaging pag-iisip at pagsasalita nang malupit at mapamintas, napakahirap na para sa kanya ang magbago. Sa katunayan, kapag nagsimula nang tahakin ng isang tao ang landas ng pamimintas at panghuhusga, malamang na magpatuloy siya sa landas na iyon at lalo pang maging mapamintas at mapanghusga.

Isa ito sa mga dahilan kung bakit mariin ang pananalita ni Hesus tungkol sa ganitong pagkiling. Pagkatapos ng sipi sa itaas, sinabi ni Hesus, “Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang troso sa iyong mata…” Ang mga salitang ito at ang mariing pagkondena ni Hesus sa pagiging mapanghusga ay hindi dahil sa galit Siya o malupit sa taong mapanghusga. Sa halip, nais Niya itong ilihis sa landas na tinatahak nito at tulungang makalaya sa mabigat na pasaning ito. Kaya mahalagang pagnilayan ang tanong na ito: “Ako ba ang kinakausap ni Hesus? Nahihirapan ba akong iwaksi ang pagiging mapanghusga?”

Kung “Oo” ang sagot, huwag matakot at huwag panghinaan ng loob. Napakahalagang makita at aminin ang ganitong pagkiling; ito ang unang hakbang tungo sa kabutihang-asal na kabaligtaran ng pagiging mapanghusga. Ang kabutihang-asal na ito ay awa. At ang awa ay isa sa pinakamahahalagang kabutihang-asal na maaari nating taglayin ngayon.

Tila higit kailanman ay nangangailangan ng awa ang panahong kinabubuhayan natin. Marahil, isa sa mga dahilan nito ay ang matinding pagkiling ng kultura ng daigdig sa kalupitan at pamimintas sa kapwa. Kailangan mo lamang magbasa ng pahayagan, mag-browse sa social media, o manood ng mga balita tuwing gabi upang makita na patuloy na tumitindi sa kultura ng ating daigdig ang pagkiling sa pagsusuri at pamimintas. Isa itong tunay na suliranin.

Ang mabuti tungkol sa awa ay ginagamit ng Diyos ang ating pagiging mapanghusga o ang ating awa (depende kung alin ang higit na nakikita sa atin) bilang panukat kung paano Niya tayo pakikitunguhan. Pakikitunguhan Niya tayo nang may malaking awa at pagpapatawad kapag ipinapakita natin ang kabutihang-asal na ito. Ngunit ipakikita rin Niya ang Kanyang katarungan at paghatol kapag ito ang landas na tinatahak natin sa pakikitungo sa kapwa. Nasa atin ang pasiya!

Pagnilayan ngayon ang awa at pagiging mapanghusga sa iyong buhay. Alin ang mas nangingibabaw? Ano ang karaniwan mong pagkiling? Ipaalala sa iyong sarili na ang awa ay laging nagdudulot ng higit na gantimpala at kasiyahan kaysa sa pagiging mapanghusga. Nagbubunga ito ng kagalakan, kapayapaan, at kalayaan. Ituon ang iyong isip sa awa at italaga ang iyong sarili sa pagkilala sa mga pinagpalang gantimpala ng napakahalagang kaloob na ito.

Mahabaging Panginoon, puspusin Mo po ng awa ang aking puso. Tulungan Mo akong iwaksi ang lahat ng mapamintas na pag-iisip at malulupit na salita at palitan ang mga ito ng Iyong pag-ibig. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

National Eucharistic Revival
Magsisimula sa Hunyo 19, 2022—Dakilang Kapistahan ng Corpus Christi

Nobena sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus
Mga petsa ng nobena: Hunyo 15-23, 2022
Hunyo 24, 2022: Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus

National Eucharistic Revival

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Ang Huling Paghuhukom, fresco sa Sistine Chapel na likha ni Michelangelo, mula sa Wikimedia Commons