Tagalog

Pagsusumamo ng Awa!

Nobyembre 14, 2022
Lunes ng Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

Lalo pa siyang sumigaw nang sumigaw, “Anak ni David, maawa Ka sa akin!”  Luke 18:39c

Mabuti ang ginawa niya!  Narito ang isang bulag na pulubing minamaltrato ng marami.  Itinuturing siyang walang silbi at isang makasalanan.  Nang magsimula siyang magsumamo kay Hesus ng awa, pinatahimik siya ng mga taong nakapaligid sa kanya.  Ngunit ano ang ginawa ng bulag?  Nagpatinag ba siya sa kanilang pang-aapi at panunuya?  Hinding-hindi.  Sa halip, “Lalo pa siyang sumigaw nang sumigaw!”  At napansin ni Hesus ang kanyang pananampalataya at pinagaling siya.

May mahalagang aral para sa ating lahat ang buhay ng taong ito.  Marami tayong makakaharap sa buhay na magpapanghina sa atin, magpapanghina ng ating loob, at tutukso sa ating mawalan ng pag-asa.  Maraming bagay ang nagpapabigat sa atin at mahirap harapin.  Kaya ano ang dapat nating gawin?  Magpapatalo ba tayo sa mga pagsubok at saka magkukulong sa pagkaawa sa sarili?  

Ibinibigay sa atin ng bulag na ito ang ganap na patotoo kung ano ang dapat nating gawin.  Kapag nadarama nating tayo ay inaapi, pinanghihinaan ng loob, bigo, hindi nauunawaan, o anumang katulad nito, kailangan nating gamitin ito bilang pagkakataong bumaling kay Hesus nang may higit na alab at tapang, na nagsusumamo sa Kanyang awa.

Maaaring magkaroon ng isa sa dalawang epekto sa atin ang mga paghihirap sa buhay.  Maaari tayong madaig ng mga ito o lalo tayong mapatatag.  Napapatatag tayo ng mga ito sa pamamagitan ng pagpapalago sa ating mga kaluluwa ng higit pang pagtitiwala at pag-asa sa awa ng Diyos.

Pagnilayan mo ngayon kung ano ang pinakamadalas magtulak sa iyo na panghinaan ng loob.  Ano ang nadarama mong nagpapabigat sa iyo at mahirap harapin? Gamitin ang pagsubok na iyon bilang pagkakataong magsumamo nang may higit na alab at sigasig para sa awa at biyaya ng Diyos.

Panginoon, sa aking kahinaan at mga pagsubok, tulungan Mo akong bumaling sa Iyo nang may higit pang alab.  Tulungan Mo akong higit pang umasa sa Iyo sa mga sandali ng pagdurusa at pagkabigo sa buhay.  Nawa’y lalo lamang patatagin ng kasamaan at kalupitan ng mundong ito ang aking pasiyang bumaling sa Iyo sa lahat ng bagay.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Subukan ang aming Mobile App!

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Tapat na reproduksiyon ng ipinintang “Pagpapagaling sa Lalaking Bulag”. Ni Carl Bloch