Tagalog

Pag-ibig sa Makasalanan

Nobyembre 15, 2022
Martes ng Ikatatlumpu’t Tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayon

San Alberto Magno, Obispo at Pantas ng Simbahan—Di-obligadong Paggunita

Video

“Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy sa iyong bahay ngayon.”  Luke 19:5b

Kaylaking kagalakan ang nadama ni Zaqueo nang tanggapin niya ang paanyayang ito mula sa ating Panginoon.  May tatlong bagay na dapat pansinin sa pagtatagpong ito.

Una, itinuturing ng marami si Zaqueo na isang makasalanan.  Siya ay isang maniningil ng buwis kaya hindi siya iginagalang ng mga tao.  Halos walang alinlangang nakaapekto ito kay Zaqueo at naging tukso sa kanya na ituring ang sarili na hindi karapat-dapat sa habag ni Hesus.  Ngunit si Hesus ay dumating mismo para sa makasalanan.  Kaya sa katunayan, si Zaqueo ang pinakanaaangkop na “kandidato” para sa awa at habag ni Hesus.

Ikalawa, nang makita ni Zaqueo na lumapit sa kanya si Hesus at pinili siya sa lahat ng naroroon upang makasama Niya, nag-umapaw ang kanyang kagalakan!  Ganito rin dapat sa atin.  Talagang pinipili tayo ni Hesus at talagang nais Niya tayong makasama.  Kung hahayaan nating makita ito, likas na magbubunga ito ng kagalakan.  Nagagalak ka ba sa pagkaalam nito?

Ikatlo, bunga ng habag ni Hesus, binago ni Zaqueo ang kanyang buhay.  Nangako siyang ibibigay sa mga dukha ang kalahati ng kanyang mga ari-arian at isasauli nang apat na ulit ang halaga sa sinumang nadaya niya noon.  Palatandaan ito na nagsimulang matuklasan ni Zaqueo ang tunay na kayamanan.  Agad niyang sinimulang suklian sa pamamagitan ng paggawa sa iba ang kabutihan at habag na ipinakita sa kanya ni Hesus.

Pagnilayan mo ngayon si Zaqueo at makita mo ang iyong sarili sa kanya.  Ikaw rin ay isang makasalanan.  Ngunit ang habag ng Diyos ay higit na makapangyarihan kaysa sa anumang kasalanan.  Hayaan mong mangibabaw ang Kanyang mapagmahal na pagpapatawad at pagtanggap sa iyo sa anumang pagkabagabag ng budhi na maaari mong madama.  At hayaan mong ang kaloob ng Kanyang awa ay magbunga ng awa at habag sa iyong sariling buhay para sa kapwa.

Mapagmahal na Panginoon, bumabaling ako sa Iyo sa aking pagkamakasalanan at nagsusumamo para sa Iyong awa at habag.  Ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na ako sa pagbuhos Mo ng Iyong awa sa akin.  Nawa’y tanggapin ko ang awang iyon nang may malaking kagalakan at, bilang tugon, maibuhos ko rin ang Iyong awa sa iba.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Subukan ang aming Mobile App!

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Alberto Magno, Obispo at Pantas ng Simbahan

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Si Zaqueo sa Punong Sikamoro Habang Hinihintay ang Pagdaan ni Hesus, ni James Tissot