Tagalog

“Nalilito” sa Katotohanan

Pebrero 3, 2023
Biyernes ng Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Blas, Obispo at Martir—Opsiyonal na Paggunita

San Ansgar, Obispo—Opsiyonal na Paggunita

Video

Natatakot si Herodes kay Juan, sapagkat alam niyang ito ay isang taong matuwid at banal, at pinanatili niya ito sa bilangguan. Kapag naririnig niya itong magsalita, labis siyang nalilito, gayunma’y gusto niya itong pakinggan. Marcos 6:20

Sa nararapat na kalagayan, kapag ang Ebanghelyo ay ipinangangaral at tinatanggap ng isang tao, ang bunga nito ay ang pagkapuspos ng taong iyon ng kagalakan, kaaliwan, at hangaring magbago. Binabago ng Ebanghelyo ang mga tunay na nakikinig at bukas-palad na tumutugon dito. Ngunit paano naman ang mga hindi tumutugon nang bukas-palad? Ano ang nagiging epekto ng Ebanghelyo sa kanila? Ibinibigay sa atin ng Ebanghelyo ngayon ang sagot.

Ang talata sa itaas ay mula sa salaysay ng pagpugot kay San Juan Bautista. Ang mga gumagawa ng masama sa salaysay na ito ay si Herodes, ang kanyang hindi lehitimong asawang si Herodias, at ang anak na babae ni Herodias (na ayon sa tradisyon ay nagngangalang Salome). Ipinabilanggo ni Herodes si Juan dahil sinabi ni Juan sa kanya, “Hindi naaayon sa batas na angkinin mo ang asawa ng iyong kapatid.” Ngunit ang pinakakapansin-pansin sa salaysay na ito ay ang pakikinig ni Herodes sa pangangaral ni Juan kahit nasa bilangguan na ito. Subalit sa halip na humantong si Herodes sa pagbabalik-loob, nanatili siyang “nalilito” sa ipinangangaral ni Juan.

Ang pagiging “nalilito” ay hindi lamang ang naging tugon sa pangangaral ni Juan. Pagkapoot naman ang naging tugon ni Herodias. Tila nasaktan siya nang husto sa pagkondena ni Juan sa kanyang “pag-aasawa” kay Herodes, at siya ang nagpakana ng pagpugot kay Juan.

Itinuturo sa atin ng Ebanghelyong ito, kung gayon, ang dalawa pang karaniwang tugon sa Katotohanan ng banal na Ebanghelyo kapag ito ay ipinangangaral. Ang isa ay pagkapoot at ang isa naman ay pagkalito. Malinaw na ang pagkapoot ay higit na masama kaysa sa pagkalito lamang. Ngunit alinman sa dalawa ay hindi tamang tugon sa mga salita ng Katotohanan.

Ano ang iyong tugon kapag ipinangangaral ang kabuuan ng Ebanghelyo? May mga bahagi ba ng Ebanghelyo na bumabagabag sa iyo? May mga turo ba ang ating Panginoon na nakalilito sa iyo o nag-uudyok sa iyong magalit? Suriin mo muna ang iyong sariling puso upang malaman kung nahihirapan ka rin sa pagkakaroon ng tugong katulad ng kina Herodes at Herodias. Pagkatapos, pag-isipan kung paano tumutugon ang mundo sa Katotohanan ng Ebanghelyo. Hindi tayo dapat magtaka na marami pa ring Herodes at Herodias na nabubuhay ngayon.

Pagnilayan mo ngayon ang anumang paraan ng pagtanggi sa Ebanghelyo na nakikita mo, sa anumang antas. Kung nadarama mo ito sa iyong sariling puso, magsisi ka nang buong lakas. Kung nakikita mo naman ito sa iba, huwag mong hayaang yumanig sa iyo o bumagabag sa iyo ang kanilang pagkapoot. Ituon mo ang iyong isip at puso sa Katotohanan at manatiling matatag anuman ang maging tugon na makaharap mo.

Panginoon ko ng buong Katotohanan, ang Iyong Salita at ang Iyong Salita lamang ang nagdudulot ng biyaya at kaligtasan. Ipagkaloob Mo po sa akin ang biyayang kailangan ko upang laging makinig sa Iyong Salita at tumugon nang bukas-palad at buong puso. Nawa’y magsisi ako kapag ipinakikita sa akin ng Iyong Salita ang aking pagkakasala, at nawa’y buong puso akong magbalik sa Iyo. Bigyan Mo ako ng lakas ng loob kapag tinatanggihan ng iba ang Iyong Katotohanan, at ng karunungan upang malaman kung paano ibahagi ang Salitang iyon nang may pag-ibig. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Mga Santo sa Araw na Ito –

San Blas, Obispo at Martir—Opsiyonal na Paggunita

San Ansgar, Obispo—Opsiyonal na Paggunita

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Saint Jean Baptiste prêchant devant Hérode Antipas ni Pieter de Grebber, mula sa Wikimedia Commons