Tagalog

Hinipo ng Biyaya

Hulyo 1, 2023
Sabado ng Ikalabindalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa sa Araw na Ito

San Junipero Serra, Pari—Opsiyonal na Paggunita sa USA

Video

Pumasok si Hesus sa bahay ni Pedro at nakita Niya ang biyenang babae nito na nakaratay at nilalagnat. Hinipo Niya ang kamay nito, at nawala ang lagnat. Bumangon ito at naglingkod sa Kanya. Matthew 8:14–15

Paano tayo nararapat tumugon sa pagkilos ng Diyos sa ating buhay? Sa sipi sa itaas, ibinibigay sa atin ang patotoo ng biyenang babae ni Pedro upang sagutin ang tanong na iyan. Dapat nating tandaan na patuloy ang misyon ni Hesus na magpagaling. Sa katunayan, bago dumating sa bahay ni Pedro, kagagaling lamang ni Hesus sa pagpapagaling sa isang lingkod ng senturyon. Nang lumapit ang senturyon kay Hesus at sabihing hindi man lamang siya karapat-dapat na papasukin Siya sa kanyang bahay, nakita ni Hesus ang pananampalataya ng senturyon at pinagaling ang lingkod nito kahit nasa malayo. Matapos Niyang dumating sa bahay ni Pedro, sinasabi sa atin na maraming tao ang nagdala kay Hesus ng mga sinasapian ng mga demonyo, at pinagaling Niya silang lahat. Ngunit sa pagitan ng pagpapagaling sa lingkod at ng pagpapagaling sa marami, may isa pang pagpapagaling na naganap. Ang naging tugon sa pagpapagaling na ito ay nagbibigay sa atin ng isang napakagandang halimbawa.

Ang biyenang babae ni Pedro ay may sakit at nakaratay dahil sa lagnat. Hindi malinaw kung gaano kalubha ang kanyang sakit, ngunit ang tiyak ay may sakit siya at hindi makabangon sa higaan. Pansinin muna na hindi man lamang hiniling kay Hesus na pagalingin siya. Sa halip, “nakita” Niya itong may sakit at nakaratay, kusa Niya itong nilapitan, “hinipo ang kamay nito,” at gumaling ito.

Sa mismong pangungusap na naglalarawan sa pagpapagaling ni Hesus, sinasabi sa atin na “bumangon ito at naglingkod sa Kanya.” Una sa lahat, “bumangon ito.” Dapat natin itong makita bilang isang makasagisag na paglalarawan ng dapat nating gawin kapag hinipo tayo ng biyaya. Ang biyaya ng Diyos, kapag ipinagkakaloob sa atin, ay dapat magbunga ng ating pagbangon. Bumabangon tayo mula sa kasalanan kapag ipinangungumpisal natin ang kasalanang iyon at tumatanggap tayo ng kapatawaran, lalo na sa Sakramento ng Pakikipagkasundo. Bumabangon tayo sa tuwing pumapasok ang Diyos sa ating buhay upang bigyan tayo ng direksiyon, kalinawan, at pag-asa. Ang pagbangon ay ang pagtanggap ng lakas upang maalis ang pasaning dulot ng kasalanan at pagkalito. Bumabangon tayong may lakas, pinanibago at determinadong tuparin ang kalooban ng Diyos.

Matapos bumangon ang babaeng ito, “naglingkod” siya kay Hesus. Ito ang dahilan kung bakit tayo bumabangon kapag hinipo ng biyaya. Hindi ipinagkakaloob sa atin ang biyaya ng Diyos upang bumalik tayo sa ating kasalanan, itaguyod ang sarili nating mga balak, o gawin ang sarili nating kalooban. Bumabangon tayo upang makapaglingkod sa ating Panginoon at sa Kanyang banal na kalooban. Sa isang diwa, ang mga pagkilos ni Hesus sa ating buhay ay nagpapataw sa atin ng isang banal na pasanin. Ngunit magaan ang pasaning ito. Isa itong tungkuling maglingkod at ialay ang ating sarili sa ating Panginoon upang asikasuhin Siya, tuparin ang Kanyang banal na kalooban, at gawin ang lahat ng ipinagagawa Niya sa atin.

Pagnilayan mo ngayon ang tatlong pagkilos na ito sa Ebanghelyo. Masdan mo si Hesus na lumalapit at humihipo sa iyo sa iyong panalangin. Alamin mong lumalapit Siya sa iyo hindi lamang dahil nananalangin ka sa Kanya, kundi sa sarili Niyang pagkukusa kapag nakikita Niyang tutugon ka. Pagkatapos, isaalang-alang mo ang iyong tugon. Bumangon ka mula sa anumang pumipigil sa iyong pagbangon. Hayaan mong palayain ka ng biyaya ng Diyos mula sa mga pasaning iyong dinadala. At habang ipinagkakaloob Niya sa iyo ang biyayang ito, magpasiyang maglingkod sa Kanya at tanging ang Kanyang kalooban ang tuparin. Nilikha tayo upang maglingkod sa ating Panginoon, at sa paggawa nito, patuloy nating matatanggap ang Kanyang biyaya sa pamamagitan ng Kanyang mapagmahal na paghipo.

Maawain kong Hesus, patuloy Kang lumalapit sa akin upang abutin at hipuin ako ng Iyong biyaya. Hangad Mong pagalingin at palakasin ako araw-araw. Tulungan Mo akong maging bukas sa lahat ng nais Mong ipagkaloob at palayain Mo ako sa lahat ng nagpapabigat sa akin. Nawa’y bumangon ako upang maglingkod sa Iyo at sa Iyong banal na kalooban, upang sa pamamagitan ko ay higit pang maitaguyod ang Iyong Kaharian. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Junipero Serra, Pari

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Si Kristo na Nagpapagaling sa Biyenan ni Simon Pedro ni John Bridges, mula sa Wikimedia Commons