Hulyo 5, 2023
Miyerkules ng Ikalabintatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayon
San Antonio Zaccaria, Pari—Opsiyonal na Paggunita
Santa Isabel ng Portugal—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang
(Ipinagdiriwang tuwing Hulyo 4 sa labas ng Estados Unidos)

Nagsitakbo ang mga tagapag-alaga ng mga baboy, at pagdating nila sa bayan ay ibinalita nila ang lahat, pati ang nangyari sa mga inaalihan ng demonyo. Kaya lumabas ang buong bayan upang salubungin si Jesus, at nang makita nila Siya, nakiusap silang umalis Siya sa kanilang lupain. Mateo 8:33–34
Bakit kaya nakiusap ang “buong bayan” kay Jesus na umalis sa kanilang lupain matapos Niyang palayain mula sa mga demonyo ang dalawa nilang kababayan? Naganap ito sa hilagang-silangang baybayin ng Dagat ng Galilea, malapit sa isang bayan ng mga taga-Gadara na hindi mga Judio. Ito ang dahilan kung bakit may napakalaking kawan ng mga baboy doon (hindi kumakain ng baboy ang mga Judio). Dalawa sa mga taga-Gadara ang inaalihan ng mga demonyo, at ayon sa Banal na Kasulatan, “Napakabangis nila kaya walang makadaan sa daang iyon.” At nang palayain sila ni Jesus mula sa kakila-kilabot na kalagayang ito, sa halip na magalak at magpasalamat, nakiusap ang mga taong-bayan na umalis si Jesus.
Ayon kay San Jeronimo, posibleng ang mga tao ay talagang kumikilos nang may kababaang-loob, sapagkat hindi nila itinuturing ang kanilang sarili na karapat-dapat na makasama ang isang kasingdakila ni Jesus. Tulad ni San Pedro na nagpatirapa sa paanan ni Jesus at nagsabing, “Lumayo po Kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako ay isang makasalanan” (Lucas 5:8), maaaring lubhang namangha ang mga taong-bayang ito sa ginawa ni Jesus para sa kanila kaya nadama nilang hindi sila karapat-dapat sa Kanyang presensya. Gayunman, itinuturo ng ibang mga Ama ng Simbahan na mas malamang na ang mga taong-bayang ito ay kumakatawan sa mga taong nananatiling nakagapos sa kanilang makasalanang pamumuhay at ayaw humarap sa Ebanghelyo o sa Persona ni Jesus. Mas pinipili nilang magtakip ng tainga sa katotohanan at manatili sa kanilang buhay ng kamangmangan at kasalanan.
Makatutulong ding pagnilayan ang ugnayan ng mga taong-bayan at ng dalawang lalaking ito na inaalihan ng demonyo. Sa nararapat sana, nang makita ng mga taong-bayan na ganap nang napalaya ang dalawang lalaki mula sa mga demonyong nagpapahirap sa kanila, nagalak sana sila tulad ng paggalak ng ama ng Alibughang Anak nang bumalik sa kanya ang kanyang anak. Nakalulungkot na sa pagkakataong ito, tila halos walang tuwang nadama ang kanilang mga kababayan sa kalayaang naranasan ng dalawang lalaking dating inaalihan ng demonyo. Malinaw na ipinakikita nito ang kawalan ng pagmamahal ng mga taga-bayan sa dalawang lalaking ito. Marahil ay marami sa mga taong-bayan ang nakasumpong ng isang baluktot na uri ng kasiyahan sa panunuya sa dalawang lalaking ito sa loob ng maraming taon, at nasiyahan silang magkuwento tungkol sa kung gaano kabaliw ang mga ito. Ngayon, kaharap nila ang dalawang lalaking lubos nang nagbago, at maaaring nahirapan silang magsalita ng mabuti tungkol sa mga ito dahil sa kanilang kapalaluan.
Ang masamang halimbawang ipinakita ng mga taga-bayang ito ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong pagnilayan kung paano natin iniisip at pinakikitunguhan ang mga taong nagbago ng kanilang pamumuhay at tumalikod sa kasamaan tungo sa kabutihan. Marahil ay may kapamilya kang taimtim na nagsikap na magbago. O marahil ay may katrabaho ka, kapitbahay, o iba pang kakilala na tumalikod sa buhay ng pagkakasala upang mamuhay na nagsisikap malinang ang mga birtud. Ang mahalagang tanong na dapat pagnilayan ay kung nagagalak ka ba sa kabutihan ng iba, sa kanilang patuloy na pagbabalik-loob at pagsisikap na maging banal, o kung nahihirapan kang tunay na magpahayag ng kagalakan kapag nakikita mong nagbabago tungo sa kabutihan ang mga taong kilala mo. Kadalasan, napakadaling mamintas, ngunit higit na mahirap magalak sa banal na pagbabagong nagaganap sa kapwa.
Pagnilayan mo ngayon ang mga taong bahagi ng iyong buhay—mga malapit sa iyo at mga kakilala mo lamang—na sa anumang paraan ay pinalaya ng ating Panginoon at tumalikod sa buhay ng pagkakasala tungo sa isang buhay na may mga birtud. Ano ang iyong tugon sa kanila? Kaya mo bang taos-pusong magalak sa kabutihan ng iba? O nahihirapan ka bang labanan ang selos, galit, inggit, at iba pang katulad nito? Kapag nakikita mong kumikilos ang kabutihan ng Diyos sa kapwa, sikapin mong taglayin ang pananaw na iminungkahi ni San Jeronimo sa itaas. Hayaan mong mapuspos ka ng pagkamangha sa pagkilos ng Diyos sa kanilang buhay. Habang ginagawa mo ito, magpakumbaba ka sa harap ng kapangyarihan ng Diyos na magpabago, at amining hindi ka karapat-dapat na masaksihan ang Kanyang kapangyarihang magpabago, ngunit magalak ka pa rin nang may pasasalamat.
Panginoon kong makapangyarihan sa lahat, dinaig Mo ang kapangyarihan ng masama at pinalayas ang mga demonyo mula sa dalawang lalaking ito na dumanas ng pagpapahirap na ito sa loob ng maraming taon. Pagkalooban Mo ako ng mga matang makakakita sa Iyong pagkilos sa aming daigdig upang buong kagalakan kong mapatotohanan ang Iyong pagkilos na nagpapabago sa buhay ng iba. Nawa’y lagi akong magpakumbaba sa harap ng Iyong mga gawang nagliligtas at matutong magpahayag ng tunay na pasasalamat sa lahat ng Iyong ginagawa. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Sound of Freedom – #2MillionFor2Million
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon
Santo ng Araw –
Santa Isabel ng Portugal
(Ipinagdiriwang tuwing Hulyo 4 sa labas ng Estados Unidos)
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa



