Tagalog

Huwag Palampasin…

Disyembre 3, 2023
Unang Linggo ng Adbiyento (Taon B)
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

“Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo! Maging mapagmatyag! Hindi ninyo alam kung kailan darating ang takdang panahon.” Mark 13:33

Anong panahon ang tinutukoy ng ating Panginoon? Tinutukoy Niya ang panahon ng Kanyang pagdating. Ngunit dapat nating maunawaan na bagaman minsan na Siyang dumating sa atin sa katawang-tao noong unang panahon, at bagaman muli Siyang babalik sa katawang-tao upang hukuman ang mga nabubuhay at ang mga namatay sa katapusan ng panahon, hindi Siya tumitigil sa pagdating sa atin araw at gabi sa pamamagitan ng kaloob ng biyayang nagpapabago sa atin. Binibigyang-pansin mo ba ang pagdating Niyang ito? O pinalalampas mo ang di-mabilang na mga pagpapala ng biyaya ng Diyos na nais Niyang ipagkaloob sa iyo araw-araw, sa buong maghapon?

Maraming bagay sa mundo ang umaagaw ng ating pansin. Nagagambala tayo ng pang-akit ng kayamanan, ng pagpapalayaw sa ating mga pagnanasa, at ng walang tigil na ingay ng makabagong midya, mga elektronikong kagamitan, at iba pang katulad nito. Dahil sa mga ito at sa marami pang pang-araw-araw na panggagambala, napakahirap manatiling “mapagmatyag” at “handa.” Ito ay dahil limitado ang kakayahan nating magtuon ng pansin. Bagaman maaaring matutuhan ng ilan ang “pagsasabay-sabay ng mga gawain” sa isang antas, walang sinuman ang patuloy na makapaghahati ng kanyang pansin sa presensiya ng Diyos at sa mga panggagambala ng mundo.

Maaaring igiit ng ilan na kailangang makibahagi sa mundo ngayon. Hindi naman maaaring patuloy na manalangin at ang Diyos lamang ang isipin. Ngunit ang mga natutuksong mag-isip nang ganito ay hindi nakauunawa sa pagiging maasikaso at mapagmatyag na hinihingi sa atin.

Ang pagiging mapagmatyag at maasikaso ay nangangahulugan lamang na ang Diyos ang sentro ng ating buhay at Siya ang nag-uudyok at layunin ng lahat ng ginagawa natin araw-araw. Hindi maaaring hati ang ating pagmamahal at paglilingkod sa Diyos. Hindi tayo maaaring maglaan ng ilang oras para sa mundo at ng ibang oras para sa Diyos. Sa halip, sa lahat ng ginagawa natin, araw-araw, sa buong maghapon, ang kaluwalhatian ng Diyos at ang pagtupad sa Kanyang ganap na kalooban ang dapat maging pangunahin at tanging layunin ng ating buhay. Kaya, kung nakikisalamuha tayo sa mundo, gumagamit ng social media, gumagawa ng mga gawaing-bahay, naglalaan ng dagdag na oras sa trabaho, at iba pa, dapat nating patuloy na pagnilayan ang simpleng tanong na ito: “Panginoon, ginagawa ko ba ito para sa Iyong kaluwalhatian at alinsunod sa Iyong kalooban?” Hindi natin dapat kailanman makaligtaang itanong ito sa ating sarili. Dapat nating laging gawing pangunahing layunin at udyok sa lahat ng ating ginagawa ang kaluwalhatian ng Diyos at ang pagtupad sa Kanyang kalooban. Kung mamumuhay tayo nang ganito, matutuklasan nating lalo nang nagiging madali ang laging pagbibigay-pansin at pagiging mapagmatyag sa kalooban ng Diyos saanman tayo naroroon.

Pagnilayan mo ngayon kung saan mo pinakamadalas ituon ang iyong pansin. Ano ang pinakamadalas mong isipin sa bawat araw? Ano ang higit mong pinagtutuunan ng pansin at binabantayan? Kung ang sagot sa tanong na iyon ay hindi ang patuloy na mga pag-uudyok ng Diyos at ng Kanyang biyaya, kilalanin mo ang katotohanang iyon. Mapagpakumbabang manalangin na magbago ka at magsimulang bumuo ng isang kaugaliang magpapabago sa iyo: ang araw-araw na pagtutuon ng iyong pansin sa ating Panginoon upang Siya ang maging iyong gabay at tuon sa lahat ng bagay sa bawat araw.

Panginoon ng lahat ng biyaya, lumalapit Ka sa akin araw at gabi, kinakausap Mo ako, tinatawag, at nais Mo akong gabayan. Matutuhan ko nawang ituon ang aking buong pansin sa Iyo araw-araw upang Ikaw lamang at ang Iyong banal na kalooban ang laging gumabay sa akin. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena sa Kalinis-linisang Paglilihi
Nobyembre 29 – Disyembre 7

Nobena ni San Andres para sa Pasko
Nakaugaliang dasalin nang 15 beses bawat araw mula Nobyembre 30 hanggang Bisperas ng Pasko.

Tingnan ang aming mga sanggunian para sa Adbiyento!

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Francisco Javier, Pari
Hindi ipinagdiriwang bilang liturhikong paggunita ngayong taon sapagkat tumatapat ito sa Linggo

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Mga itinatampok na larawan sa itaas: Hindi Kayo Makapagbantay na Kasama Ko Kahit Isang Oras ni James Tissot, sa pamamagitan ng Brooklyn Museum