Tagalog

Pagtakbo Tungo sa Kalooban ng Diyos

Miyerkules, Disyembre 20, 2023
Araw sa Panahon ng Adbiyento
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

At sumagot sa kanya ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya ang isisilang na sanggol ay tatawaging banal, ang Anak ng Diyos.” Luke 1:35

Subukan mong isantabi ang lahat ng nalalaman mo tungkol kay Hesus at pagnilayan lamang ang mga salitang ito ng Arkanghel Gabriel na para bang naririnig mo ang mga ito sa kauna-unahang pagkakataon, gaya ng ating Mahal na Ina. Sinabi sa kanya na magkakaroon siya ng anak, kahit na hindi pa siya nakikipagtalik sa isang lalaki. Sinabi sa kanya na magaganap ang pagdadalantao niyang ito sa pamamagitan ng paglilim sa kanya ng Espiritu Santo. At sinabi sa kanya na ang kanyang Anak ay magiging Anak ng Diyos. Ano kaya ang maiisip ni Maria tungkol sa mga kamangha-manghang pahayag na ito na ipinaalam sa kanya ng lubhang maluwalhating Arkanghel na ito?

Malamang na isipin ng isang karaniwang tao na isa itong uri ng halusinasyon at na ang kanyang nakikita at naririnig ay bunga ng isang pansamantalang karamdamang sikolohikal. Baka nananaginip lamang siya? O baka may nakain o nainom siya nang hindi niya namamalayan na naging sanhi ng karanasang ito?

Ngunit ang ating Mahal na Ina ay hindi isang karaniwang tao, at hindi rin karaniwan ang kanyang pag-iisip. Ganap na matalas ang kanyang isip dahil sa kanyang kalikasang walang bahid-dungis. At ang kanyang isip ay patuloy na “napupuno ng grasya,” gaya ng sinabi ni Gabriel sa kanyang pagbati sa kanya. Kilala niya ang tinig ng Diyos, at alam niyang ang Arkanghel na ito ay naghahatid sa kanya ng isang mensahe mula sa kaitaasan. Kaya naman nakinig siya, tumanggap, naniwala at sumang-ayon.

Mahihinuha rin natin na higit pa sa pagsang-ayon ang ginawa ni Maria. Tiyak na napakatindi ng kanyang pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang kalooban kaya agad siyang napuspos ng nag-aalab na pagnanais na tuparin ang utos na ito ng Arkanghel. Tiyak na napuspos siya ng banal na pagnanais na gawin ang lahat ng kanyang makakaya upang maisakatuparan ang mahimalang pagtawag na ito na kanyang tinanggap. At ang pagtawag na ito ay tiyak na agad naging pangunahing layunin ng kanyang buhay.

Bagaman wala sa atin ang pinagkalooban ng natatangi at maluwalhating bokasyon na ibinigay sa ating Mahal na Ina, tiyak na tayong lahat ay binibigyan ng Diyos ng isang misyon. Kung minsan ay nakikinig tayo at pinag-iisipan ito. Kung minsan ay pinipili nating yakapin ito. Ngunit ang nararapat ay tularan natin ang ating Mahal na Ina at tumakbo tayo tungo rito. Hindi sapat na maging bukas lamang tayo. Hindi sapat na magpasakop lamang tayo. Dapat din nating hayaang ang bawat pagnanais ng ating kaluluwa, ang bawat masidhing damdamin natin at ang bawat pananabik sa ating kalooban ay kumilos tungo sa katuparan ng kalooban ng Diyos.

Ano ang tinatawag ng Diyos na gawin mo sa buhay? Ano ang iyong layunin? Ano ang iyong misyon? Kung nahihirapan kang sagutin ang mga tanong na ito, marahil ay magsimula ka sa pagdarasal na pagkalooban ka ng malalim at banal na pagnanais na sumasaklaw sa buo mong pagkatao na maisakatuparan ang pinili ng Diyos para sa iyo. Kung ang tanging hangad mo ay ang katuparan ng kalooban ng Diyos, mas madali at mas mabilis mo itong maisasakatuparan kapag inihayag Niya sa iyo ang Kanyang kalooban.

Pagnilayan mo ngayon ang natatanging misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Anuman ang itinatawag Niyang gawin mo sa iyong buhay ay isang pagtawag na para lamang sa iyo. Huwag mo itong takasan. Huwag mo itong tanggapin nang labag sa loob. Sa halip, tumakbo ka tungo rito nang buong pagkatao at hayaan mong gumawa ang Diyos ng mga dakilang bagay sa pamamagitan mo.

Kabanal-banalang Panginoon, alam kong may ganap Kang plano para sa aking buhay. Alam kong binigyan Mo ako ng isang misyong hindi ibinigay sa kaninuman bukod sa akin. Punuin Mo po ang aking kaluluwa ng banal na pagnanais na lubusang tuparin ang Iyong kalooban at gawin ito nang may pinakamaalab na pagtatalaga at buong lakas. Ako rin ay lingkod Mo, O Panginoon; mangyari nawa sa akin ayon sa Iyong kalooban. Inang Maria, ipanalangin mo kami.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Bago para sa 2024!
Isang napakagandang regalo sa Pasko…

Nobena ni San Andres para sa Pasko
Tradisyonal na dinarasal nang 15 ulit bawat araw mula Nobyembre 30 hanggang Bisperas ng Pasko.

Mga Antiponang “O” ng Adbiyento
Disyembre 17–23

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Adbiyento

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas:Ang Pagpapahayag ng Anghel kay Maria ni Philippe de Champaigne, mula sa Wikimedia Commons