Nobyembre 29, 2020
Unang Linggo ng Adbiyento (Taon B)
Mga Pagbasa Ngayong Araw

“Ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat: ‘Magbantay kayo!’” Marcos 13:37
Binibigyang-pansin mo ba si Kristo? Napakahalaga ng tanong na ito, ngunit marami ang maaaring hindi pa lubos na nakauunawa sa ibig sabihin nito. Oo, sa unang tingin, malinaw naman: Ang pagiging “mapagmatyag” ay pagkilala sa presensya ng ating Panginoon sa iyong buhay at sa mundong nakapaligid sa iyo. Kaya binibigyang-pansin mo ba Siya? Nagbabantay ka ba? Nagmamasid ka ba, naghahanap, naghihintay, nananabik at naghahanda sa pagdating ni Kristo? Bagaman dumating si Hesus sa lupa mahigit 2,000 taon na ang nakararaan bilang isang munting bata, patuloy Siyang dumarating sa atin ngayon. At kung hindi mo napapansin sa araw-araw ang Kanyang malalim na presensya, baka medyo nahihimbing ka na sa iyong buhay espirituwal.
“Nakatutulog” tayo sa ating buhay espirituwal tuwing ibinabaling natin ang ating panloob na paningin sa mga bagay ng mundong ito na lumilipas, walang kabuluhan, o makasalanan pa nga. Kapag nangyayari iyon, hindi na natin makita si Kristo mismo. Nakalulungkot na lalo tayong madaling mahulog dito. Araw-araw tayong binabagabag ng karahasan, karamdaman, poot, pagkakabaha-bahagi, iskandalo at iba pang katulad nito. Araw-araw na nagpapaligsahan ang mga tagapagbalita sa paglalahad sa atin ng mga balitang pinakanakagugulat at pinakakagila-gilalas. Araw-araw ding sinisikap ng social media na punuin ang maikli nating atensiyon ng maiikling pahayag at mga larawang sandali lamang nakasisiya. Bunga nito, ang mga mata ng ating kaluluwa—ang ating panloob na paningin ng pananampalataya—ay nadidiliman, hindi pinapansin, nalilimutan at isinasantabi. Dahil dito, tila marami sa mundo ngayon ang hindi na makalampas sa palakas nang palakas na magulong ingay upang marinig ang banayad, malinaw at malalim na tinig ng Tagapagligtas ng Mundo.
Sa pagsisimula ng panahon ng Adbiyento, nangungusap sa iyo ang ating Panginoon sa kaibuturan ng iyong kaluluwa. Mahinahon Niyang sinasabi, “Gumising ka.” “Makinig ka.” “Magbantay ka.” Hindi Siya sisigaw. Bubulong Siya, kaya kailangan mong ibigay sa Kanya ang buong pansin mo. Nakikita mo ba Siya? Naririnig mo ba Siya? Pinakikinggan mo ba Siya? Nauunawaan mo ba Siya? Kilala mo ba ang Kanyang tinig? O inilalayo ka ba ng maraming tinig sa paligid mo sa mga katotohanang napakalalim at nakapagbabago ng buhay na nais Niyang iparating sa iyo?
Pagnilayan mo ngayon na ang Diyos ay nangungusap sa kaibuturan ng iyong kaluluwa sa bawat araw. Nangungusap Siya sa iyo ngayon. At ang sinasabi Niya ang tanging tunay na mahalaga sa buhay. Higit sa alinmang panahon, ang Adbiyento ang panahon upang muling pagtibayin ang iyong pasiyang makinig, magbigay-pansin at tumugon. Huwag kang manatiling natutulog. Gumising ka at buong sigasig na pakinggan ang malalim na tinig ng ating Panginoon.
Halina, Panginoong Hesus! Halina! Nawa’y maging panahon ng malalim na pagbabago sa buhay ko ang Adbiyentong ito, mahal na Panginoon. Nawa’y maging panahon ito ng buong puso kong pagsisikap na hanapin ang Iyong banayad at malalim na tinig. Ipagkaloob Mo sa akin ang biyaya, mahal na Panginoon, na talikuran ang sari-saring ingay ng mundo na nag-aagawan sa aking pansin, at ibaling ang aking pansin sa Iyo lamang at sa lahat ng nais Mong sabihin. Halina, Panginoong Hesus, pumasok Ka nang mas malalim sa aking buhay ngayong panahon ng Adbiyento. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Nobena sa Kalinis-linisang Paglilihi
Nobyembre 29-Disyembre 7
Tingnan ang aming mga sanggunian para sa Adbiyento!
Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Itinatampok na larawan sa itaas: Gerd Altmann mula sa Pixabay
Maghanda para sa Adbiyento!
Mga Pagninilay para sa Adbiyento at Pasko
Aklat na may malambot na pabalat & eBook
Amazon.com – Google Play – iTunes – Barnes and Noble





