Tagalog

Ang Kadakilaan ng Kababaang-loob

Disyembre 6, 2020
Ikalawang Linggo ng Adbiyento (Taon B)
Mga Pagbasa Ngayon

At ito ang kanyang ipinahayag: “May darating na kasunod ko na higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Hindi ako karapat-dapat na yumuko at magkalag ng mga tali ng kanyang mga sandalyas.” Marcos 1:7

Itinuring ni Hesus si Juan Bautista na isa sa pinakadakilang taong nabuhay sa daigdig (tingnan ang Mateo 11:11). Gayunman, sa talata sa itaas, malinaw na sinabi ni Juan na hindi man lamang siya karapat-dapat na “yumuko at magkalag ng mga tali” ng mga sandalyas ni Hesus. Ito ang sukdulang pagpapakumbaba!

Ano ang nagpadakila kay San Juan Bautista? Ang mabisa ba niyang pangangaral? Ang masigla at kaakit-akit niyang personalidad? Ang husay niya sa pagsasalita? Ang kanyang magandang anyo? Ang dami ng kanyang mga tagasunod? Tiyak na wala sa mga ito. Ang tunay na nagpadakila kay Juan ay ang pagpapakumbabang ipinakita niya sa pag-akay sa lahat patungo kay Hesus.

Isa sa pinakamabigat na pakikibaka ng tao sa buhay ang paglaban sa pagmamataas. Madalas nating gustong ituon sa ating sarili ang pansin ng iba. Karamihan sa mga tao ay nahihirapang pigilan ang hilig na sabihin sa iba kung gaano sila kahusay at kung bakit sila ang tama. Gusto nating mapansin, kilalanin at purihin. Madalas tayong nakikipagbuno sa hilig na ito dahil kapag itinataas natin ang ating sarili, pakiramdam natin ay mahalaga tayo. At masarap ang gayong “pakiramdam,” hanggang sa isang punto. Ngunit dahil sa ating makasalanang kalikasan bilang tao, madalas nating hindi nakikita na ang pagpapakumbaba ay isa sa pinakamainam na katangiang maaari nating taglayin at na wala nang hihigit pa rito bilang bukal ng kadakilaan sa buhay.

Malinaw na makikita ang pagpapakumbaba sa mga salita at kilos ni Juan Bautista sa talata sa itaas. Alam niya kung sino si Hesus. Itinuro niya si Hesus sa kanyang mga tagasunod at inilipat ang kanilang pansin mula sa kanyang sarili tungo sa kanyang Panginoon. At ang mismong pag-akay na ito sa iba patungo kay Kristo ay may dalawang bunga: naituturo niya sa kanila si Kristo, at naiaangat siya mismo sa kadakilaang hindi kailanman maaabot ng pagmamataas na nakasentro sa sarili.

Ano pa ang hihigit sa pag-akay sa iba patungo sa Tagapagligtas ng Sanlibutan? Ano pa ang hihigit sa pagtulong sa iba na matuklasan ang layunin ng kanilang buhay sa pagkilala nila kay Kristo Hesus bilang kanilang Panginoon at Tagapagligtas? Ano pa ang hihigit sa paghikayat sa iba na mamuhay nang iniaalay ang sarili, nang walang pag-iimbot, sa kaisa-isang Diyos na maawain? Ano pa ang hihigit sa pagtatanghal sa Katotohanan nang higit sa mga kasinungalingang nagmumula sa pagkamakasarili ng ating makasalanang kalikasan bilang tao?

Pagnilayan mo ngayon ang iyong tawag sa buhay na tularan ang pagpapakumbaba ni Juan Bautista. Kung nais mong magkaroon ng tunay na halaga at kabuluhan ang iyong buhay, gamitin mo ito upang maitaas mo, sa abot ng iyong makakaya, ang Tagapagligtas ng Sanlibutan sa paningin ng mga nasa paligid mo. Akayin mo ang iba patungo kay Hesus, gawin mong sentro ng iyong buhay si Hesus, at magpakumbaba ka sa Kanyang harapan. Sa pagpapakumbabang ito, matutuklasan ang tunay mong kadakilaan, at matatagpuan mo ang pangunahing layunin ng buhay.

Maluwalhati kong Panginoon, Ikaw at Ikaw lamang ang Tagapagligtas ng Sanlibutan. Ikaw at Ikaw lamang ang Diyos. Ipagkaloob Mo sa akin ang karunungan ng pagpapakumbaba upang mailaan ko ang aking buhay sa pag-akay sa iba patungo sa Iyo at nang sa gayon ay makilala Ka ng marami bilang kanilang tunay na Panginoon at Diyos. Hindi ako karapat-dapat sa Iyo, Panginoon ko. Gayunman, sa Iyong awa, ginagamit Mo pa rin ako. Nagpapasalamat ako sa Iyo at iniaalay ko ang aking buhay sa pagpapahayag ng Iyong banal na pangalan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena sa Kalinis-linisang Paglilihi
Nobyembre 29-Disyembre 7

Tingnan ang aming mga sanggunian para sa Adbiyento!

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Nicolas, Obispo
Hindi ipinagdiriwang bilang liturhikal na paggunita ngayong taon dahil natapat ito sa araw ng Linggo

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Si San Juan Bautista sa Ilang, likha ni Titian


Mga Pagninilay para sa Adbiyento at Pasko

Aklat na may malambot na pabalat & eBook

Amazon.com – Google Play – iTunes – Barnes and Noble