Disyembre 7, 2020
Lunes ng Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Mga Pagbasa Ngayong Araw
San Ambrosio, Obispo at Pantas ng Simbahan—Paggunita

May ilang lalaking dumating na may dalang isang lalaking paralitiko sa isang higaan; sinisikap nilang maipasok siya at mailagay sa harapan ni Jesus. Ngunit dahil sa dami ng tao, wala silang makitang daan upang maipasok siya, kaya umakyat sila sa bubong at ibinaba siya, kasama ang higaan, sa isang siwang sa mga tisa, sa gitna ng mga tao sa harapan ni Jesus. Lucas 5:18–19
Kapansin-pansin na habang ibinababa mula sa bubong ng mga kaibigang ito na puno ng pananampalataya ang lalaking paralisado sa harap ni Hesus, napaliligiran si Hesus ng mga Pariseo at mga guro ng Kautusan “mula sa bawat nayon ng Galilea at Judea at Jerusalem” (Lucas 5:17). Napakaraming pinunong panrelihiyon ang dumating. Kabilang sila sa mga Hudyo na may pinakamataas na pinag-aralan, at nagkataong kabilang din sila sa mga nagtipon upang makitang magsalita si Hesus nang araw na iyon. Dahil na rin sa dami nila sa paligid ni Hesus, hindi makalapit sa Kanya ang mga kaibigan ng lalaking paralisado nang hindi gumagawa ng ganitong di-pangkaraniwang hakbang: ang pagbubukas ng bubong.
Kaya ano ang ginawa ni Hesus nang makita Niyang ibinaba mula sa bubong ang lalaking paralisado sa Kanyang harapan? Sinabi Niya sa lalaki na pinatawad na ang mga kasalanan nito. Nakalulungkot na agad na tinuligsa ng mga pinunong panrelihiyong ito sa kanilang kalooban ang mga salitang iyon. Sinabi nila sa isa’t isa, “Sino itong nagsasalita ng mga kalapastanganan? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan kundi ang Diyos lamang?” (Lucas 5:21)
Ngunit alam ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya nagpasiya Siyang gumawa pa ng isang bagay para sa ikabubuti ng mga pinunong panrelihiyong ito. Ang unang ginawa ni Hesus, ang pagpapatawad sa mga kasalanan ng lalaking paralisado, ay para sa ikabubuti ng lalaki. Ngunit kapansin-pansin na ang pagpapagaling sa katawan ng lalaki ay tila pangunahin nang para sa mga Pariseo at mga guro ng Kautusan na mapagmataas at nag-aakalang sila ang matuwid. Pinagaling ni Hesus ang lalaki upang “malaman nilang ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan” (Lucas 5:24). Ayon sa Ebanghelyo, pagkagawa ni Hesus ng himalang ito, ang lahat ay “napuspos ng pagkamangha” at niluwalhati ang Diyos. Lumilitaw na kabilang dito ang mga mapanghusgang pinunong panrelihiyon.
Kaya ano ang itinuturo nito sa atin? Ipinakikita nito kung gaano kalalim ang pagmamahal ni Hesus sa mga pinunong panrelihiyong ito sa kabila ng kanilang labis na pagmamataas at pagiging mapanghusga. Nais Niyang makuha ang kanilang loob. Nais Niyang magbagong-loob sila, magpakumbaba, at bumaling sa Kanya. Medyo madali ang magpakita ng pagmamahal at habag sa isang taong paralisado, itinakwil, at napahiya na. Ngunit kailangan ng napakalaking pagmamahal upang tunay na magmalasakit din sa mga palalo at mapagmataas.
Pagnilayan ngayon ang pagmamahal ni Jesus sa mga pinunong ito ng relihiyon. Bagaman dumating sila upang hanapan Siya ng mali, hatulan Siya nang walang katotohanan at patuloy na subukang siluin Siya, hindi kailanman tumigil si Jesus sa pagsisikap na makuha ang kanilang loob. Habang iniisip mo ang habag na ito ng ating Panginoon, isipin mo rin ang taong pinakamahirap mong mahalin, at muling italaga ang iyong sarili sa pagmamahal sa kanya nang buong puso bilang pagtulad sa ating banal na Panginoon.
Panginoon kong puspos ng awa, bigyan Mo ako ng pusong marunong magpatawad at maawa sa kapwa. Tulungan Mo akong magkaroon ng malalim na malasakit, lalo na sa mga taong pinakamahirap para sa akin na mahalin. Upang matularan ko ang Iyong Banal na Awa, palakasin Mo ako na kumilos nang may pag-ibig na walang pasubali para sa lahat, upang mas makilala Ka nila. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Nobena sa Kalinis-linisang Paglilihi
Nobyembre 29-Disyembre 7
Tingnan ang aming mga sanggunian para sa Adbiyento!
Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Santo ng Araw – San Ambrosio, Obispo at Pantas ng Simbahan—Paggunita
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa




