Miyerkules, Setyembre 29, 2021
Kapistahan nina San Miguel, San Gabriel, at San Rafael, mga Arkanghel

“Amen, amen, sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukás ang langit at ang mga anghel ng Diyos na umaakyat at bumababa sa Anak ng Tao.” Juan 1:51
Sa Langit, makikita natin ang lahat ng bagay ayon sa pagtingin ng Diyos. Ang ganap na pananaw na iyon ay magiging higit pa sa maluwalhati. At kabilang sa maraming bagay na ikamamangha natin mula sa pananaw ng Langit ay ang lubhang makapangyarihang mga paraan ng pakikibahagi ng mga nilalang na makalangit sa pagpapalaganap ng Kaharian ng Diyos. Ang mga Serapin, Kerubin, Trono, Dominasyon, Birtud, Potestad, Prinsipado, Arkanghel at Anghel na Tagatanod ay pawang nakikipagtulungan sa biyaya ng Diyos, katulad ng pagtutulungan ng bawat kasapi ng isang orkestra upang makalikha ng isang magandang tugtugin. Ang Diyos ang konduktor, ngunit ang mga nilalang na makalangit na ito ay nakikibahagi sa dakilang katuparan ng kalooban ng Diyos, bilang mga buhay na kasangkapan ng Kanyang banal na biyaya.
Pinararangalan sa kapistahan ngayon ang tatlo sa mga dakilang arkanghel na binanggit sa Banal na Kasulatan: sina Miguel, Gabriel at Rafael. Inilalarawan si Arkanghel Miguel bilang isang tagapagtanggol sa Aklat ni Daniel sa Lumang Tipan at bilang nakikipaglaban kay satanas sa mga aklat ng Pahayag at Judas. Sa Pahayag, pinalayas ni Miguel si satanas mula sa Langit kasama ang iba pang mga anghel na nagkasala. Binabanggit din si Arkanghel Gabriel sa Aklat ni Daniel bilang tagapagpaliwanag ng pangitain ni Daniel. Sa Bagong Tipan, siya ang kinilalang nagpakita sa punong saserdoteng si Zacarias habang naghahandog ito ng sakripisyo sa templo. Sa pagpapakitang iyon, inihayag ni Gabriel kay Zacarias na magkakaanak ang kanyang asawa, bagaman matanda na ito. Marahil ay pinakakilala si Gabriel bilang isinugo sa Mahal na Birheng Maria upang ipahayag sa kanya na siya ang magiging ina ng Tagapagligtas ng Sanlibutan. Panghuli, binabanggit si Arkanghel Rafael sa Aklat ni Tobit sa Lumang Tipan at sinasabing isinugo siya upang pagalingin ang mga mata ni Tobit.
Habang pinararangalan natin ang tatlong arkanghel na ito, makatitiyak tayong tatlo lamang sila sa di-mabilang na mga nilalang na anghel na nakikipagtulungan sa Diyos upang ihatid ang Kanyang biyaya at isakatuparan ang Kanyang kalooban sa ating mundo. Sikaping gunigunihin ang malalim na katotohanang iyon. May mga nilalang na anghel na nagpapatatag sa Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng paglalaan ng kanilang buong pag-iral sa walang-hanggang pagsamba sa Diyos sa harap ng Kanyang trono. Ang pinakamataas sa mga ito ay ang mga Serapin. Ang iba namang mga nilalang na anghel ay nagpapatatag sa Kaharian sa pamamagitan ng paghahatid sa atin ng biyaya at katotohanan ng Diyos, na namamagitan sa ating buhay ayon sa kalooban ng Diyos. Ito ang natatanging gawain ng mga anghel na tagatanod. Ang mga arkanghel naman, na tatlo sa kanila ang pinararangalan natin ngayon, ay may natatanging tungkuling ihatid sa atin ang pinakamahahalagang mensahe at biyaya mula sa Diyos.
Pagnilayan mo ngayon ang maluwalhating katotohanan ng buong hukbo ng mga nilalang sa langit. Hilingin mo lalo na ang pamamagitan ng tatlong nilalang na ito sa langit na kilala natin sa pangalan—sina Miguel, Gabriel at Rafael—gayundin ang pamamagitan ng ating mga anghel na tagapagbantay at ng lahat ng iba pang nilalang sa langit. Sa paggawa nito, hindi lamang natin ipinagkakatiwala ang ating sarili sa kanilang mapagmahal na pangangalaga, kundi gumagawa rin tayo ng isang pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng pagsasabi ng ating paniniwalang pinili ng Diyos na gamitin ang mga nilalang na ito sa langit upang maisakatuparan ang Kanyang Kaharian. Sa kanilang sarili, walang kapangyarihang kumilos ang mga anghel. Ngunit dahil kumikilos lamang sila nang naaayon sa kalooban ng Diyos, ang kanilang pamamagitan ay kasimbisa ng biyaya ng Diyos, sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa pamamagitan nila. Kilalanin mo sila ngayon, hilingin ang kanilang pamamagitan, at ipahayag ang iyong pananampalataya sa maluwalhating gawaing kanilang ginagampanan upang itaguyod ang Kaharian ng Diyos.
Lubhang maluwalhating mga Arkanghel na sina Miguel, Gabriel at Rafael, halina po at ako’y tulungan. Ipinagkakatiwala ko ang aking sarili, ang aking pamilya, ang ating Simbahan at ang buong daigdig sa inyong mapagmahal na pamamagitan. Ipagkaloob ninyo sa amin ang biyaya ng Diyos sa aming buhay, ipahayag ang Salita ng Diyos at ang Kanyang banal na Kalooban, ipagsanggalang kami sa lahat ng kapahamakan at maghatid ng kagalingan sa mga nangangailangan. Mga Anghel ng Diyos, ipanalangin ninyo kami. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Nobena kay Santa Teresita, ang Munting Bulaklak
Setyembre 22-30
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon
Kapistahan Ngayon– San Miguel, San Gabriel at San Rafael, mga Arkanghel
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa



