Tagalog

Skrupulosidad 

Setyembre 3, 2022
Sabado ng Ikadalawampu’t Dalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Gregorio Magno, Papa at Pantas ng Simbahan—Paggunita

Video

Isang araw ng Sabbath, habang nagdaraan si Jesus sa isang bukirin ng trigo, namimitas ang Kanyang mga alagad ng mga uhay, kinikiskis ang mga ito sa kanilang mga kamay, at kinakain ang mga butil.  Sinabi ng ilang Pariseo, “Bakit ninyo ginagawa ang ipinagbabawal sa araw ng Sabbath?”  Luke 6:1-2

Napakababaw naman ng kanilang pinupuna!  Gutom ang mga alagad noon. Malamang na matagal na silang naglalakad kasama ni Jesus nang makakita sila ng trigo at pumitas nito upang kainin habang naglalakad.  At hinatulan sila ng mga Pariseo dahil sa napakaordinaryong gawaing ito.  Talaga bang nilabag nila ang kautusan at nagkasala sila sa Diyos sa pagpitas at pagkain ng mga butil na ito?

Malinaw sa tugon ni Jesus na lubhang nalilito ang mga Pariseo at walang ginawang mali ang mga alagad.  Ngunit ang talatang ito ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong pagnilayan ang isang espirituwal na panganib na kung minsan ay nahuhulugan ng ilan.  Ito ang panganib ng skrupulosidad.  

Hindi natin alam kung ganito nga ang nangyari, ngunit kung isa o higit pa sa mga alagad ang nakikipagbuno sa skrupulosidad at pagkatapos ay narinig nilang hinahatulan sila ng mga Pariseo dahil sa pagkain ng mga butil, maaaring agad silang nakaramdam ng pagsisisi at pagkakasala dahil sa kanilang ginawa.  Maaaring nagsimula silang matakot na nagkasala sila sa paglabag sa utos ng Diyos na panatilihing banal ang Sabbath.  Ngunit kailangang makita nila kung ano talaga ang kanilang skrupulosidad at makilala ang nag-udyok sa kanila tungo rito.

Ang “nag-udyok” sa kanila ay ang labis at maling pagtingin sa kautusan ng Diyos na inilahad ng mga Pariseo.  Oo, ang kautusan ng Diyos ay ganap at dapat laging sundin hanggang sa kaliit-liitang titik nito.  Ngunit para sa mga nakikipagbuno sa skrupulosidad, madaling mabaluktot at mapalabis ang pag-unawa sa kautusan ng Diyos.  Ang mga batas ng tao at ang maling paglalahad ng mga tao sa kautusan ng Diyos ay maaaring magdulot ng kalituhan.  At sa sipi sa Banal na Kasulatan sa itaas, ang nag-udyok nito ay ang kapalaluan at kalupitan ng mga Pariseo.  Hindi nagkasala sa Diyos sa anumang paraan ang mga alagad nang pumitas at kumain sila ng mga butil sa araw ng Sabbath.  Samakatuwid, sinisikap ng mga Pariseo na atangan ang mga alagad ng isang pasaning hindi mula sa Diyos.

Tayo rin ay maaaring matuksong tingnan ang kautusan at kalooban ng Diyos nang may skrupulosidad.  Bagaman marami ang gumagawa ng kabaligtaran nito (masyadong maluwag sa pagsunod), may ilan namang labis na nag-aalala na nagkakasala sila sa Diyos kahit hindi naman talaga.

Pagnilayan mo ngayon ang sarili mong pakikipagbuno sa skrupulosidad.  Kung ganito ang nararanasan mo, alamin mong nais ng Diyos na palayain ka mula sa mga pasaning ito.

Panginoon, tulungan Mo akong makita ang Iyong kautusan at kalooban sa liwanag ng katotohanan.  Tulungan Mo akong iwaksi ang lahat ng maling pagkaunawa at maling paglalahad ng Iyong kautusan at yakapin sa halip ang mga katotohanan ng Iyong ganap na pag-ibig at awa.  Nawa’y manghawakan ako sa awa at pag-ibig na iyon sa lahat ng bagay at higit sa lahat ng bagay.  Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Gregorio Magno, Papa at Pantas ng Simbahan

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Larawan: The Bible panorama, or The Holy Scriptures in picture and story, mula sa Wikimedia Commons