Tagalog

Tumangis si Hesus

Nobyembre 17, 2022
Huwebes ng Ikatatlumpu’t Tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Santa Isabel ng Hungary, Relihiyosa—Paggunita

Video

Nang malapit na si Hesus sa Jerusalem, nakita Niya ang lungsod at tinangisan ito, na sinasabi, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang nagdudulot ng kapayapaan—ngunit ngayo’y nalilingid ito sa iyong mga mata.”  Lucas 19:41-42

Mahirap malaman nang tiyak kung ano ang nalalaman ni Hesus tungkol sa kinabukasan ng mga taga-Jerusalem.  Ngunit alam natin, mula sa talatang ito, na ang Kaniyang nalalaman ay nagpaiyak sa Kaniya sa matinding dalamhati.  Narito ang ilang puntong maaari nating pagnilayan.

Una, mahalagang pagmasdan ang larawan ni Hesus na tumatangis.  Ang pagsasabing tumangis si Hesus ay nagpapahiwatig na hindi ito basta kaunting kalungkutan o pagkabigo lamang.  Sa halip, ipinahihiwatig nito ang napakalalim na dalamhating nagpadaloy ng tunay na mga luha mula sa Kaniya.  Kaya magsimula sa larawang iyon at hayaan itong tumimo sa iyong puso.

Ikalawa, tinatangisan ni Hesus ang Jerusalem sapagkat, habang papalapit Siya at malinaw Niyang natatanaw ang lungsod, agad Niyang nabatid na napakaraming tao ang tatanggi sa Kaniya at sa Kaniyang pagdalaw.  Naparito Siya upang dalhin sa kanila ang kaloob na walang hanggang kaligtasan. Nakalulungkot na hindi pinansin ng ilan si Hesus dahil sa kanilang kawalang-malasakit, samantalang ang iba naman ay nagngitngit sa galit sa Kaniya at naghangad na patayin Siya.

Ikatlo, hindi lamang Jerusalem ang tinatangisan ni Hesus.  Tinatangisan din Niya ang lahat ng tao, lalo na yaong magiging bahagi ng Kaniyang pamilya sa pananampalataya.  Lalo Niyang tinangisan ang kakulangan ng pananampalataya na nakikita Niyang tataglayin ng napakarami.  Lubos itong nababatid ni Hesus at nagdulot ito sa Kaniya ng matinding dalamhati.  

Pagnilayan ngayon ang mabigat na tuksong kinakaharap nating lahat: ang maging walang malasakit kay Kristo.  Madali para sa atin ang magkaroon ng kaunting pananampalataya at lumapit sa Diyos kapag may pakinabang tayo rito.  Ngunit napakadali rin na manatiling walang malasakit kay Kristo kapag tila maayos ang takbo ng ating buhay.  Madali tayong mahulog sa bitag ng pag-aakalang hindi natin kailangang lubusang isuko ang ating sarili sa Kaniya araw-araw.  Bunutin ngayon sa iyong puso ang anumang kawalang-malasakit kay Kristo at sabihin sa Kaniya na nais mong paglingkuran Siya at sundin ang Kaniyang banal na kalooban nang buong puso.

Panginoon, nagsusumamo ako sa Iyo na bunutin ang bawat bahid ng kawalang-malasakit sa aking puso.  Habang tinatangisan Mo ang aking kasalanan, nawa’y hugasan at linisin ako ng Iyong mga luha upang maitalaga ko nang lubusan ang aking sarili sa Iyo bilang aking Banal na Panginoon at Hari.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena kay Kristong Hari
Ayon sa kaugalian, siyam na araw bago ang Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari
Dinadasal ang nobena araw-araw mula Nobyembre 11–19

Subukan ang aming Mobile App!

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – Santa Isabel ng Hungary, Relihiyosa

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Itinatampok na larawan sa itaas: Jesus Wept ni James Tissot, mula sa Wikimedia Commons