Tagalog

Unawain, Tanggapin, Yakapin

Pebrero 16, 2023
Huwebes ng Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayon

Video

Umalis si Hesus at ang Kanyang mga alagad patungo sa mga nayon ng Cesarea ng Filipo. Habang nasa daan, tinanong Niya ang Kanyang mga alagad, “Sino raw Ako ayon sa mga tao?” Mark 8:27

Bilang tugon sa tanong na ito, sinabi ng mga alagad kay Hesus na ang akala ng ilan ay Siya si “Juan Bautista, ng iba naman ay si Elias, at ng iba pa ay isa sa mga propeta.” Ngunit pagkatapos ay tinanong ni Hesus ang mga alagad kung sino Siya para sa kanila. Si Pedro ang sumagot, “Ikaw ang Kristo.”

Habang pinagninilayan natin ang pag-uusap na ito ni Hesus at ng mga alagad, sikapin mong marinig ang ating Panginoon na nagtatanong din sa iyo ng gayon. “Ngunit para sa iyo, sino Ako?” Bagama’t malamang na madali mo itong masagot sa antas ng pag-iisip, huwag kang sumagot nang padalus-dalos. Pag-isipan mo ito. Sa kaibuturan ng iyong kaluluwa, ano ang pinaniniwalaan mo tungkol kay Hesus?

Bagama’t tama ang sagot ni Pedro, mahalagang pagnilayan kung ano talaga ang kahulugan nito. Lalo itong naging malinaw nang hindi matanggap ni Pedro ang paliwanag ni Hesus tungkol sa Kanyang misyon bilang Kristo. Ipinaliwanag ni Hesus kay Pedro at sa iba pang mga alagad na, bilang Kristo, Siya ay “magdurusa nang labis at itatakwil ng mga matatanda ng bayan, ng mga punong pari, at ng mga eskriba, at papatayin, at muling mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw.” Sa madaling salita, nais ni Hesus na maunawaan ng mga alagad ang pinakadiwa ng Kanyang misyon. Ang Kanyang misyon ay maging Kordero ng Diyos na ihahandog bilang hain at mamatay para sa ating mga kasalanan. Ngunit napakabigat nito para agad na maunawaan, matanggap, at may pasasalamat na mayakap ng mga alagad.

Nauunawaan, tinatanggap, at niyayakap mo ba ang pangunahing misyong ito ni Hesus? Nauunawaan mo ba na dahil sa mga kasalanang ikaw mismo ang gumawa, kailangan mo ng isang Tagapagligtas? Nauunawaan mo ba na ang bunga ng iyong mga kasalanan ay kamatayan? Walang-hanggang kamatayan? At nauunawaan mo rin ba na tanging sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesus napapawi ang lahat ng kasalanan at kamatayan?

Kung minsan, maaari tayong mahulog sa maling pag-aakalang si Hesus ay isa lamang huwarang nagbibigay-inspirasyon at nagtuturo sa atin kung paano tayo dapat mamuhay. At bagama’t totoo iyon, higit pa roon si Hesus. Siya ang kaisa-isang daan patungo sa Langit. Kung wala ang Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, hindi natin makakamit ang Langit. Siya ang kaisa-isang Tagapagligtas. Ang Korderong pinaslang para sa ating mga kasalanan. Ang kaisa-isang bukal ng walang-hanggang pagtubos. Ang tanging tulay sa pagitan ng Langit at sangkatauhan. At bagama’t maaaring nauunawaan mo ito sa isang antas sa iyong pag-iisip, ang iyong pananampalataya sa katotohanang ito ay dapat tumimo nang malalim sa iyong kaluluwa upang mapaniwalaan mo ito at mayakap ang Kanyang kaloob na walang-hanggang kaligtasan sa pinakakaibuturan ng iyong pagkatao. Nangangailangan ito ng pag-unawa, pagtanggap, at pagyakap na umaabot sa pinakaugat ng ating pagkatao upang tunay nating matanggap ang kaloob ng buhay ni Hesus.

Pagnilayan mo ngayon kung paano mo sasagutin ang tanong na ito ng ating Panginoon. “Para sa IYO, sino Ako?” Upang masagot mo ito nang tama, kailangan mong patuloy na palalimin ang iyong pag-unawa, pagtanggap, at lubos na pagyakap sa misyong nagliligtas ng ating Panginoon. Bagama’t habambuhay ang prosesong ito, hindi tayo dapat tumigil sa pagpasok nang mas malalim sa banal na misteryo at kaloob na ito upang lubusan tayong mabago ng buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay Niya na siyang Kristo ng Diyos.

Panginoong Tagapagligtas, higit Mong buksan ang aking isip at puso sa Iyo sa araw na ito at sa bawat araw ng aking buhay. Nawa’y patuloy na lumalim ang aking pananampalataya at pag-unawa sa Iyo at sa Iyong banal na misyon ng kaligtasan. Habang ginagawa ko ito, patuloy Mo akong baguhin upang higit akong maging handang tanggapin ang lahat ng naparito Kang ipagkaloob sa akin. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Kuwaresma

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Si Kristo at ang Kanyang mga Alagad sa Kanilang Paglalakbay Patungong Emaus ni Pieter Coecke van Aelst, mula sa Wikimedia Commons