Tagalog

Hesus, Mahabag Ka!

Oktubre 24, 2021
Ikakatatlumpung Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon B
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

Nang marinig ni Bartimeo na si Hesus na taga-Nazaret ang nagdaraan, nagsimula siyang sumigaw at magsabi, “Hesus, anak ni David, mahabag Ka sa akin.”  Marcos 10:47

Ang mga salitang ito ni Bartimeo, ang lalaking bulag, ay nagpapakita sa atin ng isang ganap na panalangin sa ilang kadahilanan.

Una, inihahayag ng panalanging ito ang malalim na pagpapakumbaba ni Bartimeo. Sa pagdarasal nito, ipinapahayag ni Bartimeo na alam niyang si Hesus ang bukal ng kanyang kailangan at na hindi niya kayang tulungan ang kanyang sarili.  Alam ni Bartimeo na siya ay mahina ngunit si Hesus ang ganap na kalakasan.  Kaya naman, mapagpakumbabang lumapit si Bartimeo kay Hesus sa kanyang pangangailangan, na kinikilala Siya bilang bukal nito.

Ikalawa, ito ay isang panalanging nagsusumamo ng “habag.”  Ang habag ay ang damdamin ng kalungkutan at malasakit na dulot ng pagdurusa ng kapwa.  Ang habag ay awa at isang anyo ng pag-ibig na ibinibigay sa isang tao ng kapwang walang anumang obligasyong ibigay ito.  Sa panalanging ito, hinihiling ni Bartimeo sa Panginoong makapangyarihan sa lahat na magpakita sa kanya ng kagandahang-loob at awa, kahit na hindi siya karapat-dapat sa gayong kaloob.  Inihahayag ng panalanging ito na alam ni Bartimeo na hindi siya karapat-dapat sa tulong ng ating Panginoon, ngunit nagsumamo pa rin siya sa pag-asang tutulungan siya ni Hesus.  At tunay ngang tinulungan Niya siya.

Ikatlo, inihahayag ng panalanging ito ang isang tiyak at malalim na alab ng damdamin.  Hindi lamang ito isang paghiling ng tulong sa Diyos; sa halip, isa itong daing para sa tulong.  Isa itong pagsusumamo at isang anyo ng pagmamakaawa.  Ito ay pagbubukas ng kaluluwa sa Diyos, nang walang pag-aalalang malantad ang sariling mga kahinaan o pangambang makita ito ng iba o kung ano ang iisipin nila.  Ipinapakita nito ang lalim ng panalangin ng lalaking bulag. 

Pagnilayan ngayon ang tatlong aral na ito mula sa maikling panalangin ni Bartimeo.  Dapat tayong magpakumbaba, magsumamo ng awa, at gawin ito nang may matinding alab at pananabik.  Ang pagdarasal sa ganitong paraan ay tiyak na maghahanda sa atin na tanggapin ang biyaya at awa ng Diyos.

Panginoong Hesus, Anak ni David, mahabag Ka sa akin.  Buong puso at mapagpakumbaba akong nagsusumamo sa Iyo para sa Iyong awa at habag.  Bagaman hindi ako karapat-dapat, hinahangad ko ang Iyong biyaya at nagtitiwala ako sa Iyong kabutihan.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena kay San Judas Tadeo
Para sa mga Sitwasyon at Kasong Tila Wala Nang Pag-asa
Maaaring dasalin anumang panahon ng taon, lalo na sa Oktubre 19–27

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo sa Araw na Ito – San Antonio Maria Claret, Obispo—Opsiyonal na Paggunita
Hindi ipinagdiriwang bilang liturhikong paggunita ngayong taon sapagkat tumapat ito sa Linggo

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas:  Ang Pagpapagaling sa Bulag na si Bartimeo ni Fernando Gallego, mula sa Wikimedia Commons