Tagalog

Pag-ubos sa Sustansiya ng “Lupa” ng Awa

Marso 20, 2022
Ikatlong Linggo ng Kuwaresma (Taon C)
Paalaala: Kapag isinasagawa ang mga Eskrutinyo sa Misa, maaaring gamitin ang pagninilay para sa Taon A sa halip na ito.

Mga Pagbasa Ngayon

Video

“Ginoo, hayaan po muna ninyo ito ngayong taon. Bubungkalin ko ang lupa sa paligid nito at lalagyan ng pataba; baka sakaling mamunga ito sa susunod. Kung hindi, maaari na ninyo itong putulin.” Luke 13:8–9

Alam ng bawat hardinero na ang mabuting bunga ay nakasalalay, sa isang banda, sa matabang lupa. Ngunit mahalaga rin ang iba pang mga salik upang makapagbigay ng mabuting bunga. Ang halaman ay dapat walang sakit, nadidiligan at nasisikatan ng araw, nakatanim sa isang mainit na kapaligiran, napupungusan nang maayos, at may sapat na lugar upang lumaki. Kapag naroon ang lahat ng salik na ito, tiyak ang mabuting bunga.

Gayundin ang ating buhay. Ang lupang dapat nating pagtamnan ay ang awa ng Diyos. At ito ang pinakamatabang lupang maaaring matagpuan upang tumubo ang mga birtud sa ating buhay. Ipinagkakaloob din ng Diyos ang araw, ang ulan, at ang init na kailangan para sa ating paglago. Ngunit, sa diwa ng paghahambing na ito, kailangan nating hayaang pungusan tayo. Kailangan din nating hayaang patabain at bungkalin ang lupa sa iba’t ibang paraan. Bagaman si Hesus ang Hardinero ng ating buhay, masasabi ring tayo ay mga hardinero sapagkat kailangan nating makipagtulungan sa ating Panginoon, na umaasa sa mga tulong na higit sa likas na ipinagkakaloob ng Maylikha upang matiyak ang malusog na paglago ng ating buhay espirituwal at upang mamunga sa ating buhay ang mabuting bunga ng birtud.

Ang sipi sa itaas ang wakas ng Talinghaga ng Puno ng Igos. Bago ang siping ito, ipinag-utos ng may-ari ng ubasan, ang Diyos Ama, na putulin ang hindi namumungang puno ng igos upang hindi na nito maubos ang sustansiya ng lupa. Ngunit ang ating maawaing Panginoon, na isinugo ng Ama upang bungkalin ang lupa ng ating buhay, ay naghahangad na magbigay ng isa pang pagkakataon, at pumapayag ang Ama dahil sa pag-ibig. Ang buhay na ito ang “taon” kung kailan masigasig na gumagawa ang ating Panginoon upang bungkalin ang lupa sa ating paligid. Kailangan nating makipagtulungan sa pamamagitan ng araw-araw na panalangin, katapatan sa Kanyang mga utos, mga sakripisyong bunga ng pag-ibig, at pagpapaubaya sa Kanyang pagkalinga. Sa huli, kung hahayaan natin ang ating Panginoon na gawin ang lahat ng Kanyang ninanais, magbubunga ng mabuti ang ating buhay.

Ngunit sa kabilang banda, huwag magkamali tungkol sa katotohanang, kung hindi magbubunga ng mabuti ang ating buhay, tayo ay “puputulin.” Ang pamumunga ng mabuti ay hindi isang opsiyon; ito ay kinakailangan. Ito ay malinaw na tanda ng ating kalusugang espirituwal at magiging sukatan ng ating walang-hanggang gantimpala o walang-hanggang kamatayan. Huwag matakot sa gayong matitinding pananalita ng ating Panginoon. Sinabi Niya ang mga ito nang may pag-ibig upang malaman natin ang mabigat nating tungkuling magbunga ng mabuti sa ating buhay.

Pagnilayan ngayon ang mga panlabas na tanda ng iyong panloob na kalusugang espirituwal. Nakikita mo bang sumisibol ang mga birtud sa iyong buhay? Namamalayan mo ba ang gawaing ninanais ng Diyos na isakatuparan sa iyong kaluluwa upang bungkalin ito at patabain ng biyaya at awa? Sabihin mo sa Kanya ang iyong “Oo” sa araw na ito at hayaang magbunga nang sagana ng mabuti ang biyayang iyon.

Panginoon kong puspos ng birtud, inaanyayahan Kita sa aking kaluluwa upang bungkalin ito at patabain ng Iyong biyaya. Pungusan Mo po ang aking mga kasalanan at tulungan akong ibaon nang malalim ang aking mga ugat sa sustansiyang dulot ng Iyong awa. Pinagsisisihan ko ang mga pagkukulang kong naging dahilan upang hindi mamunga ang aking buhay. Ipinagkakatiwala ko ngayon ang aking sarili sa Iyo upang malunasan ng Iyong pagkalinga ang lahat ng aking karamdaman at kahinaan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

40 Araw sa Paanan ng Krus:
Isang Sulyap ng Pag-ibig Mula sa Puso ng Ating Mahal na Ina
Ikalabing-anim na Pagninilay – Ang Pinakadakila sa mga Himala
(Ikatlong Linggo ng Kuwaresma)

Higit Pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo ng Linggo sa Video

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Sanggunian para sa Kuwaresma

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Kuwaresma

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Ang Tagapag-alaga ng Ubasan at ang Puno ng Igos ni James Tissot, mula sa Brooklyn Museum