Tagalog

Ang Pagiging Una!

August 18, 2020
Tuesday of the Twentieth Week in Ordinary Time
Readings for Today

“Ngunit maraming nauuna ang mahuhuli, at ang mga nahuhuli ay mauuna.”  Matthew 19:30

Maraming ibinubunyag ang maikling pangungusap na ito sa dulo ng Ebanghelyo ngayon.  Ipinakikita nito ang pagsasalungatan ng makamundong tagumpay at tagumpay na pangwalang-hanggan.  Napakadalas nating hangarin ang makamundong tagumpay at hindi hanapin ang mga kayamanang nananatili magpakailanman.

Magsimula tayo sa “maraming nauuna.”  Sino ang mga taong ito?  Upang maunawaan ito, kailangan nating maunawaan ang pagkakaiba ng “mundo” at ng “Kaharian ng Diyos.”  Ang mundo ay tumutukoy sa popularidad na pawang walang kabuluhan sa loob ng anumang kultura.  Ang tagumpay, katanyagan, paghahangad ng walang-kabuluhang papuri, at iba pang katulad nito ay kaakibat ng makamundong popularidad at tagumpay.  Ang Masama ang panginoon ng mundong ito at madalas niyang hangaring itaas ang mga naglilingkod sa kanyang masamang kalooban.  Ngunit sa paggawa niya nito, marami sa atin ang naaakit at nahihila sa ganitong uri ng katanyagan.  Isa itong suliranin, lalo na kapag nagsisimula nating ibatay ang ating pagkakakilanlan sa mga opinyon ng iba.

Ang “maraming nauuna” ay yaong mga itinataas ng mundo bilang mga sagisag at huwaran ng tagumpay na kinikilala ng marami.  Isa itong pangkalahatang pahayag na tiyak na hindi naaangkop sa bawat partikular na sitwasyon at tao.  Ngunit dapat kilalanin ang pangkalahatang pagkiling na ito.  At ayon sa talatang ito ng Banal na Kasulatan, ang mga nahihila sa ganitong pamumuhay ay magiging “huli” sa Kaharian ng Langit.  

Ihambing ito sa mga “una” sa Kaharian ng Diyos.  Maaaring parangalan o hindi parangalan sa mundong ito ang mga banal na kaluluwang ito.  Maaaring makita ng ilan ang kanilang kabutihan at parangalan sila (gaya ng pagpaparangal kay Santa Mother Teresa), ngunit napakadalas silang hamakin at ituring na hindi kanais-nais ayon sa makamundong pananaw.

Ano ang mas mahalaga?  Ano ang tunay mong pipiliin para sa buong kawalang-hanggan?  Mas pipiliin mo bang maging maganda ang tingin sa iyo sa buhay na ito, kahit mangahulugan iyon ng pagkokompromiso sa mga pinahahalagahan mo at sa katotohanan?  O nakatuon ba ang iyong mga mata sa katotohanan at sa mga gantimpalang walang hanggan?

Pagnilayan mo ngayon ang layuning mag-ipon ng kayamanan sa Langit at ang walang-hanggang gantimpalang ipinangako sa mga namumuhay nang tapat.  Walang masama sa pagkakaroon ng magandang pagtingin sa iyo ang ibang tao sa mundong ito, ngunit hindi mo dapat kailanman hayaang mangibabaw sa iyo ang gayong hangarin o ilihis ka nito sa pagtutuon ng iyong mga mata sa mga bagay na walang hanggan.  Pagnilayan kung gaano mo ito naisasabuhay at sikaping gawing tanging layunin mo ang mga gantimpala ng Langit.

Lord, please help me to seek You and Your Kingdom above all else.  May pleasing You and serving Your most holy will be my one and only desire in life.  Help me to shed the unhealthy concerns of worldly notoriety and popularity, concerning myself only with what You think.  I give to You, dear Lord, my whole being.  Jesus, I trust in You.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Image: The Rich Young Man Went Away Sorrowful by James Tissot