Tagalog

Banal na Paningin

April 21, 2021
Wednesday of the Third Week of Easter
Readings for Today

San Anselmo ng Canterbury, Obispo at Pantas ng Simbahan—Opsiyonal na Paggunita

Video

“Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: na ang bawat nakakakita sa Anak at sumasampalataya sa Kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.” John 6:40

Sumasampalataya ka ba kay Hesus? Walang alinlangang “Oo” ang sagot. Gayunman, ang pananampalataya sa ating Panginoon ay kailangang lumalim sa bawat araw na lumilipas. Kaya kung sumasampalataya ka kay Hesus, maaari mo ring amining hindi pa sapat ang iyong pananampalataya. Sa talatang ito ng Ebanghelyo na nagpapatuloy sa “Diskurso tungkol sa Tinapay ng Buhay,” tinatawag tayo ni Hesus na gawin ang dalawang bagay. Una, dapat natin Siyang makita. Ikalawa, dapat tayong sumampalataya. Magsimula tayo sa una.

Nang unang sabihin ni Hesus ang mga salitang ito sa mga tao, nakita nga nila ang Kanyang pisikal na presensya. Ngunit marami sa kanila ang hindi nakakita nang higit pa sa panlabas. Nakita nila ang Kanyang mga himala at narinig ang Kanyang mga turo, ngunit kakaunti lamang ang nakakita sa mas malalim na katotohanan ni Hesus bilang Anak ng Walang-hanggang Ama at Tagapagligtas ng Sanlibutan.

Kung sasampalataya ka sa ating Panginoon at sa kabuuan ng Kanyang pagka-Siya, dapat mo muna Siyang makita. Isa sa pinakamabubuting paraan upang malinang ang “banal na paningin” na ito sa ating Panginoon ay ang pagmasdan Siya sa Kabanal-banalang Eukaristiya. Kapag dumadalo ka sa Misa o naglalaan ng oras sa adorasyon at pinagmamasdan ang Kabanal-banalang Eukaristiya, ano ang nakikita mo? Nakikita mo ba ang Walang-hanggang Anak? Nakikita mo ba ang Kanyang banal na pagka-Diyos? Nakikita mo ba ang iyong Diyos at ang Panginoon ng lahat?

Habang tayo ay nakatayo o nakaluhod sa harap ng ating Panginoon, na naroroon sa Kabanal-banalang Eukaristiya, madali tayong magambala. Madaling hayaang lumayo ang ating isip tungo sa maraming iba pang aspeto ng ating pang-araw-araw na buhay at hindi makita ang walang-hanggang Anak ng Diyos na naroroon sa ating piling.

Pagnilayan mo ngayon kung paano mo tinitingnan ang ating Panginoon. Kung nais mong palalimin ang iyong pananampalataya, ang iyong paniniwala, magsimula ka sa iyong paningin. Magsimula sa pagsasaalang-alang kung paano mo tinitingnan si Hesus na naroroon sa Kabanal-banalang Eukaristiya. Kung pinagpala kang makapiling Siya sa araw na ito sa Banal na Misa o sa adorasyon, suriin mo ang paraan ng iyong pagtingin sa Kanya. Pagmasdan mo Siya. Sadyain mong ipahayag ang iyong pananampalataya sa Kanyang banal na presensya. Kilalanin ang Kanyang pagka-Diyos, ang Kanyang kaluwalhatian, ang Kanyang kabanalan at ang Kanyang sagradong presensya. Kung makakakita ka nang higit pa sa panlabas at mahahawi mo ang tabing na tumatakip sa Kanyang kaluwalhatian, ang banal na kaloob na ito ng paningin ay magbubukas din ng daan sa kaloob ng malalim na pananampalataya.

Panginoon kong laging naririto, taos-puso akong nagpapasalamat sa Iyo sa paraan ng paglapit Mo sa akin sa Kabanal-banalang Eukaristiya. Nagpapasalamat ako sa Iyo para sa Iyong banal na presensya at kaluwalhatian. Tulungan Mo akong makakita sa kabila ng tabing ng anyo ng tinapay at alak upang mas malinaw kong makita ang Iyong pagka-Diyos. Habang nakikita ko ang Iyong banal na presensya, mahal kong Panginoon, tulungan Mo akong ipahayag ang aking paniniwala sa Iyo nang may higit na katiyakan at pananampalataya. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Mga Panalangin sa Pasko ng Pagkabuhay

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Saint of the Day – Saint Anselm of Canterbury, Bishop and Doctor of the Church

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Featured images above: Christ Preaching (La Petite Tombe) By Rembrandt