Tagalog

Ang Luwalhati ng Diyos sa Lahat ng Bagay

March 30, 2021
Tuesday of Holy Week
Readings for Today

Video

“Ngayon ay niluwalhati na ang Anak ng Tao, at niluwalhati ang Diyos sa Kanya. Kung niluwalhati ang Diyos sa Kanya, luluwalhatiin din Siya ng Diyos sa Kanyang sarili, at luluwalhatiin Siya kaagad.”  John 13:31–32

Sinabi ni Hesus ang mga salitang ito tungkol sa Kanyang pagkaluwalhati pagkalisan na pagkalisan ni Hudas sa hapunan upang Siya ay ipagkanulo. Katatapos lamang hugasan ni Hesus ang mga paa ng Kanyang mga alagad, at di-magtatagal ay tatapusin Niya ang Huling Hapunan, pupunta sa Halamanan ng Getsemani, dadakpin, bubugbugin, at ipapako sa krus. At lahat ng ito ay magaganap sa pamamagitan ng pagtataksil ng isa sa Labindalawa. Ngunit sa halip na magsalita nang may takot o pangamba tungkol sa mga nalalapit na pangyayaring ito, itinuro ni Hesus ang kaluwalhatiang tatanggapin Niya sa pamamagitan ng mga ito.

Ang lahat ng bagay sa buhay ay maaaring maging kasangkapan ng kaluwalhatian ng Diyos. Maging ang ating kasalanan ay maaaring humantong sa kaluwalhatian ng Diyos kapag tayo ay nagsisi at tumanggap ng Kanyang kapatawaran. Hindi ang ating kasalanan ang lumuluwalhati sa Diyos, kundi ang Kanyang awa na ibinubuhos sa atin mula sa Krus ang nagbibigay sa Kanya ng kaluwalhatian.

Gayon din ang mga pangyayari sa Mahal na Araw. Kung titingnan mula lamang sa pananaw ng tao, kalunos-lunos at kakila-kilabot ang tiniis ni Hesus. Ipinagkanulo Siya ng isa sa Kanyang pinakamalapit na mga kasama. Ipinagkanulo Siya ng mga pinunong panrelihiyon noong panahong iyon. Ipinagkanulo Siya ng mga pinuno ng pamahalaan. At tumakas sa takot ang lahat ng mga alagad maliban kay Juan nang ipagkanulo si Hesus. Ngunit hindi lamang sa mata ng tao tiningnan ni Hesus ang alinman sa mga ito. Nakita Niya ang lahat mula sa pananaw ng kawalang-hanggan at malinaw Niyang itinuro na ang lahat ng tila kalunos-lunos na pangyayaring ito ay hahantong sa Kanyang kaluwalhatian.

Kapag itinalaga natin ang ating sarili sa pagsunod kay Kristo, makatitiyak tayong makikibahagi rin tayo sa Kanyang Krus. Mararanasan natin ang mga kasalanan ng iba, makakaranas tayo ng masamang pagtrato, at kakailanganin nating tiisin ang iba’t ibang pagdurusa. Ang tanong para sa ating lahat kapag dumaranas tayo ng mga ito sa buhay ay kung haharapin ba natin ang mga ito nang may galit at kawalang-pag-asa o nang may pag-asa at pagtitiwalang taglay ng ating Panginoon. Muli, ang lahat ng bagay sa buhay ay maaaring maging kasangkapan ng kaluwalhatian ng Diyos. Walang anuman sa buhay ang may kapangyarihang agawin ang kaluwalhatiang iyon kung pananatilihin nating nakatuon ang ating mga mata sa kalooban ng Diyos at sa Kanyang kapangyarihang gamitin ang lahat para sa Kanyang kaluwalhatian.

Pagnilayan mo ngayon ang iyong pagkatawag sa buhay na tingnan ang lahat mula sa pananaw ng Diyos. Kung minsan ay nababagabag ka, nagagalit, nawawalan ng pag-asa, o nalilito, alamin mong nais ng Diyos na maghatid ng kalinawan at biyaya sa bawat sitwasyon. Nais Niyang ipakita sa iyo kung paano ka makikibahagi sa Kanyang banal na misyon na gawing kaluwalhatian ng Diyos ang bawat kasamaan. Hanapin mo ang mga paraan upang ang iyong buhay ay makapagbigay ng kaluwalhatian sa Diyos sa lahat ng bagay, lalo na sa mga bagay na tila hindi maaaring gamitin para sa kabutihan. Habang lalong tila hindi magagamit para sa kaluwalhatian ng Diyos ang isang karanasan sa buhay, lalo naman itong may kakayahang magbigay ng tunay na kaluwalhatian sa Diyos.

Maluwalhati kong Panginoon, nagpalitaw Ka ng kabutihan mula sa lahat ng bagay. Maging ang matinding kasamaan ng pagkakanulo sa Iyo ay naging isang pagpapamalas ng Iyong kaluwalhatian. Iniaalay ko sa Iyo, mahal kong Panginoon, ang lahat ng tinitiis ko sa buhay at idinadalangin kong maluwalhati Ka sa lahat ng bagay, at ang aking buhay ay patuloy na maging isang pagpapamalas ng kaluwalhatiang nararapat sa Iyong banal na pangalan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Mga Sanggunian para sa Kuwaresma

Mga Panalangin para sa Mahal na Araw

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Kuwaresma

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Featured image above: Last Supper By Philippe de Champaigne