June 3, 2021
Thursday of the Ninth Week in Ordinary Time
Readings for Today
San Carlos Lwanga at mga Kasama, mga Martir—Paggunita

Nang makita ni Hesus na sumagot siya nang may pang-unawa, sinabi Niya sa kanya, “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas na magtanong pa sa Kanya. Mark 12:34
Sa wakas, narito ang patotoo ng isa sa mga pinunong panrelihiyon, isang eskriba, na nakaunawa nang tama. Ang talata sa itaas ay ang pangwakas na bahagi ng pakikipag-usap ni Jesus sa eskribang ito na nagtanong sa Kanya kung alin sa lahat ng mga utos ang una at pinakadakila. Dalawa ang bahagi ng sagot ni Jesus: dapat nating mahalin ang Diyos nang higit sa lahat, nang buong puso, pag-iisip, kaluluwa at lakas, at ang ating kapwa gaya ng ating sarili. Bilang tugon sa sagot ni Jesus, sinabi ng eskriba, “Mahusay ang sinabi Ninyo, Guro. Tama po Kayo…” At pagkatapos ay pinuri ni Jesus ang eskribang ito sa mga salitang sinipi sa itaas.
Alalahanin na halos lahat ng mga Pariseo ay paulit-ulit na sinaway ni Jesus dahil sa kanilang pagmamataas at pag-aakalang sila lamang ang matuwid. Sinaway rin ang mga Saduceo, ngunit kadalasan ay hindi kasintindi. At ngayon ay narito ang isang eskribang nakahihigit sa kanilang lahat. Ang mga eskriba ay pangunahing mga kawani na kumokopya o gumagawa ng iba’t ibang dokumentong panliturhiya at pambatas. Ang ilan sa mga Pariseo ay mga eskriba rin. At kadalasan, kapag tinutuligsa ni Jesus ang mga Pariseo, tinutuligsa rin Niya ang mga eskriba. Ngunit naiiba ang eskribang ito. Lumilitaw na hindi lamang siya interesado sa sagot ni Jesus kundi nagpapakita rin siya ng “pag-unawa” sa sinabi ni Jesus sa kanya. Huwag maliitin ang kahalagahan ng kaloob na ito ng pag-unawa.
Upang tunay na maunawaan ang sinasabi sa atin ng ating Panginoon, kailangan nating maging bukas. At ang pagiging bukas ay nangangailangan ng pagpapakumbaba. Ang pagpapakumbaba ay isang birtud na salungat sa saloobing “alam ko na ang lahat.” Ito ay isang disposisyon ng isip at puso na nakikinig sa Diyos habang Siya ay nagsasalita, dinirinig ang Kanyang sinasabi, nakauunawa sa lahat ng katotohanan sa pamamagitan ng kaloob na biyaya, at nagpapasakop sa katotohanang iyon nang may panalangin. Dahil sa pagpapakumbaba, nagagawa nating maghanap sa labas ng ating sarili ng mga sagot sa pinakamahihirap na tanong sa buhay. Dahil dito, nagagawa nating bumaling sa iisa at tanging bukal ng katotohanan, si Jesucristo mismo. At ang bunga ng mapagpakumbabang pagiging bukas na ito ay ang kaloob ng pag-unawa. Ito ay pag-unawa sa mga hiwaga ng buhay na lampas sa likas na kakayahan ng ating pag-iisip. Kayang turuan at hubugin ng biyaya ng Diyos ang mapagpakumbabang kaluluwa at puspusin ito ng malinaw na pananaw at pagtanggap sa pinakamalalalim na katotohanan.
Pagnilayan ngayon ang mga salita ni Jesus sa eskribang ito. “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” Sinasabi rin ba ni Jesus sa iyo ang mga salitang ito? Mapagpakumbaba mo bang hinanap ang mga sagot sa maraming tanong sa buhay sa pamamagitan ng pagbaling sa ating Panginoon? Higit na tiyak, kaya mo bang tingnan ang iyong buhay at magalak na ipinagkaloob din sa iyo ng Diyos ang Kanyang kaloob ng pag-unawa? Kung hindi, suriin ang iyong kalooban at pag-isipan kung aling mga tanong ang pinakakailangan mong idulog kay Jesus. Ilahad ang mga ito sa Kanyang harapan at pagkatapos ay makinig, maging bukas at maging handang tumugon kapag Siya ay nagsalita. Ang pakikinig at pagtugon sa ating Panginoon ay magbubunga ng pagsasabi Niya sa iyo ng mga salita ring ito.
Panginoon ko ng buong Katotohanan, tinitingnan Mo nang may kagandahang-loob at awa ang mga kaluluwang mapagpakumbaba, at inihahayag Mo sa kanila ang mga hiwaga ng Kaharian ng Langit. Ipagkaloob Mo po sa akin ang kababaang-loob, mahal na Panginoon, upang lagi akong dumulog sa Iyo sa bawat katanungan sa buhay. Puspusin Mo ako ng kaloob ng pagkaunawa upang malaman ko kung paano Ka mamahalin at paglilingkuran nang mas tapat sa bawat araw. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Novena to the Sacred Heart
Novena dates: June 2-10, 2021
June 11, 2021: Solemnity of the Sacred Heart
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon
Santo ng Araw – San Carlos Lwanga at mga Kasama, mga Martir
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

